Zero casualties
National

Zero casualties, target pa rin ni VP Robredo – Atty. Gutierrez

TARGET pa rin ni Vice President Leni Robredo ang kanyang kampanyang zero casualties kaugnay sa mga gagawing operasyon hinggil sa war on drugs.

Sa panayam ng Sonshine Radio kay Atty. Barry Gutierrez, taga-pagsalita ni Vice President Leni Robredo, pinabulaanan nito ang mga kumakalat na impormasyon ukol sa pagbabawal ni Robredo na gumamit ng mga armas sa operasyon.

“Hindi po sinabi ni VP Leni yan, pawang kasinungalingan yang pinapalabas na yan na sinabi ni VP Leni na dapat ay huwag nang magdala ng baril. Ako naman po, pag-isipan po natin, wala naman yata pong matinong opisyal na magsasabi na yung pulis na kasama sa kanyang tungkulin ay ipagtanggol hindi lang ang kaniyang sarili pero ang ating mamamayan ay hindi mo bibigyan ng angkop na sandata,” pagdidiin ni Atty. Gutierrez.

Inilatag naman ni Atty. Gutierrez ang mga nais ni VP Robredo kaugnay sa war on drugs.

“Una na po dyan, yung pagtigil ng pagpatay ng mga inosente, kasama din po dyan yung pag-habol sa mga malalaking sindikato na nagpapasok ng suplay ng droga sa ating bansa, kasama din po dyan yung pag-singil sa mga abusadong opisyal na ginagamit lang itong kampanyang ito para sa sariling interest, pang-huli po ay yung pagbibigay po ng hustisya sa mga namatay na wala namang kasalanan. Ang mga detalye po ng mga polisiya at mga hakbang na gagawin dito ay mailalabas po namin yan sa mga darating na araw,” pahayag ni Atty. Gutierrez.

Patuloy naman nakikipagpulong si Robredo sa iba’t ibang ahensya na may kaugnayan sa war on drugs upang malaman ang estado nito at ang mga kailangan pang gawin.

Sinabi pa ni Atty. Gutierrez na titiyakin din ni Robredo na magkakaroon siya ng regular na report sa pangulo.

“Isa din po sa titiyakin ni VP Leni ay magsu-submit po sya ng regular na report sa ating pangulo kasi sa dulo alam naman po natin na ang pangulo pa rin ang magiging pinuno sa lahat ng kinikilos natin sa executive branch, kasama na po dyan ang kampanya laban sa iligal na droga kaya maganda po na laging alam ng ating pangulo kung ano po ang kasalukuyang ginagawa at ano po yung balak na ipatupad na rekomendasyon ng ating bise presidente,” dagdag ni Atty. Gutierrez.

Sa ngayon ay ipagpapatuloy pa rin ni Robredo ang Philippine Anti-Drug Strategy hangga’t wala pang pinal na bersyon para sa war on drugs.

Maaari lamang dumalo sa cabinet meeting kung ukol sa iligal na droga

Maaaring huwag nang dumalo si Vice President Leni Robredo sa lahat ng cabinet meeting.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na iimbitahan lamang pumunta sa pulong ng gabinete ang bise presidente na siyang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) kung ang agenda ay ukol sa iligal na droga.

Paliwanag ni Panelo, opsyonal naman sa mga miyembro ng gabinete kung dadalo sa pulong kapag hindi nila topic ang pag-uusapan.

Dagdag pa ng kalihim na dapat ipagpasalamat ni Robredo na hindi na nito kailangan dumalo sa lahat ng cabinet meetings.

Sa ngayon aniya ay wala pang imbitasyon para kay Robredo na dumalo sa pulong ng gabinete.

Una nang sinabi ni VP Robredo na dadalo lamang siya sa cabinet meeting kung iimbitahan siya dito.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *