Yolanda Housing
National

Yolanda Housing, pinamamadali na ni Pangulong Duterte —Sen. Go

PINAMAMADALI na ni Pangulong Duterte ang programang pabahay ng pamahalaan —ang Yolanda Housing.

Nauna nang kinumpirma ni dating Special Assistant to the President at ngayo’y Senator Bong Go na nagalit na aniya ang pangulo dahil sa mabagal na usad ng mga pabahay sa Eastern Visayas na apektado ng super typhoon Yolanda katuwang ng programa ang National Housing Authority o NHA.

“Noong umupo si Pangulong Duterte noong 2016, inatasan niya kaagad ang National Housing Authority, dahil sa sobrang delays ng housing o pabahay sa Yolanda. Ngayon, medyo mabilis na noong nagalit si pangulo noong pumunta kami doon sa Tacloban and they are on the right track at sabi nila, matatapos po sa susunod na taon,” paliwanag ng senador.

Nauna nang, kinuwestiyon ng ilang kritiko ng bansa ang problema ng pabahay sa Yolanda victims sa Tacloban at iba pang karatig na probinsiya mula nang manalasa ang Bagyong Yolanda noong 2013.

Ilan sa mga ito ay diumanoy may problema sa mga materyales bilang substandard.

Sa kaniyang pag-upo bilang isang mambabatas sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ay nangako ito na tututukan ang nasabing problema sa pabahay.

Sisikapin ani Go na makasama sa Senate Committee on Urban Development para sa housing advocacy nito, kung saan plano nitong magkaroon ng malayang access sa de-kalidad na pabahay ang mga mahihihrap na pamilya hindi lang sa mga nasalanta ng bagyo at kalamidad kundi maging ang mga mamamayang walang maayos na tirahan.

“Ako naman kung sakaling maging miyembro ng Housing Committee ay sisilipin ko po ito at sisiguraduhin ko. Dahil isa po sa aking pinasa na bill itong National Housing Development and Financing Act, nakatutok po ito sa long-term development plan for housing po na sana ho wala nang squatter (illegal settlers) sa sariling bayan,” ayon pa ng senador.

“Hindi lang sa Yolanda housing kundi maging sa iba’t-ibang lugar na apektado ng kalamidad tulad ng Pablo, at iba pang beneficiaries po ng nakaraang bagyo,” dagdag pa ng senador.

Matatandaang, personal na iminungkahi ni Pangulong Duterte ang ibigay nalang ng libre ang mga pabahay ng pamahalaan sa mga biktima ng Yolanda mula sa Samar, Leyte, Tacloban, Palawan, Cebu, Iloilo, Panay, at Antique.

Nagkakahalaga ito ng P50 bilyon, na aprubado naman ng National Housing Authority.

POL MONTIBON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *