Truck ban, muling ipatutupad sa Metro Manila simula ngayong araw

Truck ban, muling ipatutupad sa Metro Manila simula ngayong araw

MULING ipatutupad ang truck ban sa Metro Manila simula ngayong araw ng Lunes, Disyembre 14.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ito ay upang pagbigyan ang kahilingan ng Metro Manila mayors.

Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na kailangang ipatupad ang truck ban upang mabawasan ang sikip ng daloy ng trapiko lalo na sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan kung saan mabigat ang sitwasyon ng mga kalsada sa Kalakhang Maynila.

“Vehicles travelling on the streets of Metro Manila increase as Christmas approaches so we will return the implementation of the truck ban beginning Monday to help ease traffic,”pahayag ni Garcia.

Inihayag naman ni MMDA Spokesperson at Assistant Secretary Celine Pialago na ipagbabawal ang pagbiyahe ng malalaking truck sa mga pangunahing lansangan na nasa ilalim ng pangangasiwa ng MMDA, mula 6:00 hanggang 10:00 ng umaga at 5:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi, tuwing Lunes hanggang Sabado.

Hindi naman ipatutupad ang truck ban tuwing araw ng Linggo at holidays.

Mayroon namang total truck ban sa EDSA mula Magallanes Interchange hanggang North Avenue, 24 oras mula Lunes hanggang Linggo.

Samantala, ikinalungkot naman ng truckers ang ipinatupad na truck ban at umapela ang grupo nito na bawiin ang nasabing implemetasyon.

Giit ni Mary Zapata, presidente ng Aduana Business Club Inc. (ABCI), palaisipan para sa kanila kung bakit laging ang mga truck ang nasisisi kapag nagka-traffic.

“Kung ang ibang mga ruta ay pagbabawalan at mag-iimpose ng truck ban, it is a very, very saddening development. Unang-una, napansin lang nilang nagka-traffic, bakit ba laging ang truck ang pinagdidiskitahan nila? Alam naman nila na ang truck ang siyang carrier ng economy. Bakit laging alternative nilang supilin ang pagtakbo ay ang mga truck?” kuwestyon ni Zapata.

Apela ng grupong Aduana sa gobyerno, “huwag nang magkaroon ng truck ban.”

“Kung pwede, kung makikinig ang gobyerno, aapela kami na ‘wag magkaroon ng truck ban dahil hindi lang naman kami ang apektado… Kung magkakaroon ng limitasyon ang aming pagtakbo, syempre ‘yong warehouse na dadatnan namin sa gabi, sarado na iyon. So, hindi iyon madidiskarga kaagad. So, magtatagal ang truck doon. So, another of chain of gastos on our part and on the part of importer, exporter, kung rush ‘yung materyales na ‘yon. Syempre magbabayad sila ng overtime. Alam naman nila ngayon na ang workforce sa face-to-face hindi naman kasing normal no’ng dati,” ayon pa kay Zapata.

Kung maalala, sinuspende ang truck ban mula nang isailalim ang Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine noong Marso para tuloy-tuloy ang paghahatid ng mga pangunahing pangangailangan sa gitna ng nararanasang pandemya.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *