HUMINGI ng paumanhin ang Toll Regulatory Board (TRB) sa mga apektadong motorista sa problema ng pagpapatupad ng RFID system sa tollways na naging dahilan ng traffic congestion.
Ayon kay TRB Spokesperson Julius Corpuz, pinag-uusapan na ng ahensiya ang posibleng pansamantalang interventions at permanenteng mga solusyon sa problema.
Ginawa ni Corpuz ang pahayag matapos suspendihin kahapon ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang business permit ng North Luzon Expressway (NLEX) para mag-operate sa lungsod dahil sa isyu.
Ani Corpuz, nagdeploy na ang TRB ng mas marami pang team sa NLEX para mag-observe at mag-audit sa mga kailangan ng tollway service sa gitna ng technical difficulty.
Base sa kanilang initial finding, sinabi ni Corpuz na ilang RFID tags ng EasyTrip ang hindi gumagana.
Kailangan din aniyang palitan ang depektibong sensors kung ito ang nakikitang dahilan ng problema.
Sa kabila ng problema sa RFID sa NLEX, iginiit ni Corpuz na tuloy ang pagpapatupad ng cash collection system sa tollways at ikokonsidera lamang ang cash-based payments sa emergency situations.