Tagum City, mas pinaigting pa ang kampanya kontra COVID-19

Tagum City, mas pinaigting pa ang kampanya kontra COVID-19

MAS pinaigting pa ng Tagum City ang kampanya kontra COVID-19 sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa mga guro ng lungsod.

Pinangunahan ni Tagum City Mayor Allan Rellon, ang pagpupulong kasama ang 160 na mga guro at kawani ng Magugpo Pilot Central Elementary School (MPCES) upang talakayin ang mga panganib na dala ng COVID-19 at paano ito maiiwasan.

Ipinaliwanag ni Rellon ang ginagawa ng lokal na pamahalaan upang makaiwas sa COVID-19 at kung paano ito matugunan agad.

Kabilang rito ang paghatid ng suporta sa mga mamamayan kung sila ay nangangailangan, pagbibigay impormasyon patungkol sa COVID-19, at paghuli sa mga hindi sumusunod sa batas.

Samantala, kinilala rin ni Vice Mayor Eva Lorraine Estabillo ang kahalagahan ng mga guro sa kampanya ng gobyerno dahil sila ang may kapangyarihang kumbinsihin ang mga magulang at mga anak nito na makiisa sa kampanya kontra COVID-19.

Gayundin, binigyang diin niya ang naging papel ng 8th Sangguniang Panlungsod na kung saan sila ay namahagi ng tulong sa mga nagpositibo sa COVID-19, ang mga nasa under quarantine, at ang mga manggagawa na apektado ng pandemya.

Samantala, hinimok naman ni Tagum City Health officer Arnel Florendo ang lahat na magpabakuna na upang may proteksyon laban sa nakamamatay na virus.

SMNI NEWS

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *