Tacloban City, naghigpit sa pagpapasok ng mga biyahero

Tacloban City, naghigpit sa pagpapasok ng mga biyahero

MULING hinigpitan ng pamahalaang lungsod ng Tacloban City ang pagpasok ng mga biyahero dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) at mga karatig lugar.

Base sa inilabas na executive order ni Mayor Alfred Romualdez nitong Lunes, kailangan magpakita ng COVID-19 RT-PCR test ang mga manlalakbay sa lungsod at mahigpit na ipatutupad ang travel protocols na inisyu ng Local Task Force Against COVID-19.

Ani Romualdez, bunsod ng mga bagong variant ng COVID-19 na kumakalat sa ibang bahagi ng bansa, kailangang ipatupad ang mga naturang hakbang upang maobserbahan ang mga taong nagmumula sa Metro Manila at mga kalapit na lugar bilang proteksyon sa mga mamamayan at para na rin sa ekonomiya ng lungsod.

Tacloban City Mayor
Tacloban City Mayor, Alfred Romualdez

Dagdag pa ng alkalde, susubaybayan nila nang mabuti ang mga galing sa NCR at high-risk areas kung saan kailangan i-swab test o antigen test ang mga ito at isailalim sa quarantine habang naghihintay ng resulta sa lungsod ng Tacloban City.

Samantala, para naman sa mga nakarating sa paliparan ng lungsod at papunta sa mga lugar na labas ng lungsod ay hindi oobligahin na dumaan sa naturang proseso.

Ang direktibang ito ay nagkabisa noong Lunes hanggang sa maglabas ng bagong kautusan ayon sa city government.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *