MMDA
Metro

Surprise shake drill ng MMDA tuloy, rain or shine

Rain or shine, tuloy na tuloy ang ikinasang surprise earthquake drill ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Kaugnay nito patuloy na hinihikayat ng MMDA ang publiko na makiisa sa isasagawang shake drill anumang araw sa linggong ito.

Sinabi ni General Manager Jojo Garcia mahalaga ang kooperasyon ng bawat isa kahit mga motorista para maging handa ang lahat sa ‘The Big One‘ o ang magnitude 7.2 na lindol na inaasahang mangyayari anumang oras.

“Pakiusap sa mga motorist, if ever gusto mag-participate, hinto po kayo kahit one minute lang, ganun talaga kapag lumindol na kailangan huminto, mag-selfie kayo para makita na nakiisa kayo, magko-cause talaga yan ng traffic.” – Jojo Garcia, MMDA General Manager

Dagdag pa ni Garcia, limang minuto bago ang shake drill ay magkakaroon muna ng alarm sa mga cellphone ng kada indibidwal.

Hindi naman ia-announce ng MMDA kung kailan gagawin ang naturang drill upang masukat ang kahandaan ng publiko pagdating ng ‘The Big One.’

“Rain or shine ang shake drill, kasi ang the big one ay di natin malalaman kung ano ang panahon nyan. Inaasahan na may magrereklamo talaga.” – Jojo Garcia, MMDA General Manager

Samantala, naipagbigay-alam at nakipag-ugnayan na ang MMDA sa mga lokal na pamahalaan at mga eskwelahan sa ikakasang shake drill.

Kasama naman sa titingnan ng mMda kung papaano makareresponde kaagad ang kanilang emrgency units at mga ambulansya sa panahon ng naturang kalamidad.

Mayroong itinalagang apat na quadrant sa Metro Manila na gagamitin bilang evacuation areas, kabilang dito ang:

  1. North Quadrant sa Veterans Memorial Medical Center Golf Course
  2. South Quadrant sa Villamor Golf Course
  3. East Quadrant sa LRT-2 Santolan Depot
  4. West Quadrant sa Intamuros Golf Course

Inihayag ng MMDA na nakahanda na ang mga gamit bawat quadrant gaya ng life support system, pagkain, at iba pa.

Ang shake drill ay dinisenyo bilang paghahanda sa posibleng aksidente sa pagtama ng ‘The Big One‘ o ang magnitude 7.2 na lindol na inaasahang mangyayari anumang oras.

Cresilyn Catarong

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *