Senator Lacson, umapela para sa agarang implementasyon ng standard health protocols

Senator Lacson, umapela para sa agarang implementasyon ng standard health protocols

UMAPELA ng agarang implementasyon ng standard health protocols si Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Ito ay upang lumuwag ang paggalaw ng mga umuuwing overseas Filipino workers (OFWs) at ang panunumbalik ng masiglang ekonomiya sa bansang Pilipinas.

Sinabi ng senador ang dalawang mahalagang puntos ay ang pagsuporta at pag-apela sa National Task Force Against COVID-19 na pabilisan ang pagpapatupad sa minimum health protocols sa mga kababayang Pinoy partikular sa mga nabakunahan rito sa Pilipinas at sa ibayong dagat.

Ayon kay Lacson, hindi na makapaghihintay pa ang ekonomiya ng bansa kung kaya’t kailangan nang pabilisan sa pamamagitan ng mas pinaagang sistema sa paggalaw ng mga ganap nang nabakunahan laban sa nakakamatay na virus.

“Please make it sooner, not later. Mind the economy for a change,” pahayag ni Lacson.

Kaugnay rito,  nanawagan ang mambabatas sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na mas pagbutihin pa ang umiiral na health protocols na ipinatupad sa bansa.

Dagdag ni Lacson,  bumuo ang NTF ng isang technical working group kung saan gumagawa ito ng uniform quarantine procedures para sa mga OFWs.

Suportado naman ni Lacson ang naging pahayag ng Department of Health (DOH) na huwag isailalim sa swab testing ang mga returning OFWs na nakakumpleto na ng COVID vaccine sa ibayong dagat bagama’t pinag-aaralan pa ito.

“Way to go!  This is one sensible adjustments that our ‘kababayans’ abroad who miss their families here have been wanting to hear from DOH,” ani Lacson.

Una rito,  isiniwalat ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na ginagawa ng NTF ang kanilang sistema kung saan ang mga OFW na kumpirmadong kumpleto na ang vaccine ay itutulad na lamang sa mga ganap nang bakunado na nasa bansa lamang ang pag-quarantine.

Kamakailan, iminungkahi ng mambabatas ang pagkakaroon ng vaccine passport system upang maging madali ang biyahe sa bansa ng mga foreign investor, OFW at balikbayan na nakakumpleto na ng bakuna sa bansang pinagmulan.

Matatandaang,  inanunsyo ng pamahalaang nasyonal ang pinaikling quarantine period mula sa labing apat ngayon ay aabot na lamang sa pito para sa mga inbound traveler na fully vaccinated sa Pilipinas.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *