Senado, hinimok na ipasa na ang “Eddie Garcia Act” matapos ang shooting incident sa isang film set sa US

Senado, hinimok na ipasa na ang “Eddie Garcia Act” matapos ang shooting incident sa isang film set sa US

HINIMOK ngayon ang Senado na ipasa na ang “Eddie Garcia Act” matapos ang shooting incident sa isang film set sa United States of America.

Nanawagan ngayon ang isang mambabatas na aksyunan na ng Senado ang ‘Eddie Garcia Act’ matapos magkaroon ng aksidente sa isang film set sa amerika.

Nagulantang ang showbiz community sa buong mundo matapos aksidenteng mabaril-patay ng hollywood actor na si Alec Baldwin ang Cinematographer na si Halyna Hutchins sa shooting ng US film na “Rust.”

Habang nasa set, walang kamalay-malay si Baldwin na tunay na bala pala ang laman ng prop-gun na kanyang ginamit.

At para maiwasan na mangyari muli ang kaparehas na insidente dito sa Pilipinas ay nanawagan ngayon ang isang kongresista na aksyunan na ng senado ang House Bill 7762 o ang “Eddie Garcia Act.”

Ayon kay Deputy Speaker at 1-Pacman Partylist Rep. Mikee Romero, layon ng panukala na magtakda ng mga panuntunan para dito.

Diin ni Romero, marami nang mga aktor na ang nasawi dahil sa mga aksidente sa set na pwede naman sanang maagapan.

“It is sad to note that the Rust tragedy turned to be a replay of what happened to young actor Brandon Lee who was killed while filming the movie “The Crow.” Lee, son of the legendary Bruce Lee, was shot by a fellow actor who was not aware that the gun used in the shooting had live bullets, instead of blanks,”ayon kay Speaker Romero.

Ang mga probisyon ng ‘Eddie Garcia Act’ ay binuo para mapangalagaan ang kalagayan at kapakanan ng mga aktor na nagtatrabaho sa telebisyon at pelikula.

Itatakda nito ang pagkakaroon ng mandatory actors and production staff insurance coverage, oras ng trabaho sa loob lamang ng walo hanggang 12 oras at pagkakaroon ng medical and safety procedures sa production set.

Gayundin ang pagkakaroon ng mandatory safety officers, emergency operational standards at procedures, parusa at pananagutan kapag mala­labag ang mga nabanggit.

Ginawa naman ni Romero ang hakbang kasunod ng pagkamatay ng kanyang amain- ang batikang aktor at direktor na si Eddie Garcia kung saan ipinangalan ang panukala.

Sa ngayon ay nakatengga parin sa Senate Committee on Labor ang panukala habang 2020 pa ito naipasa sa third reading sa kamara.

Ang counterpart bill naman sa Senado ay inihain ni Senator Bong Revilla na isa ring aktor.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *