Sen. Lapid, isinusulong ang batas na magkakansela ng expiration ng internet

Sen. Lapid, isinusulong ang batas na magkakansela ng expiration ng internet

ISINUSULONG ni Sen. Manuel “Lito” Lapid ang batas na magkakansela ng expiration ng internet upang masulit ng mga internet subscribers ang kanilang binabayad.

Nais ni Lapid na magkaroon ng batas na magkakansela ng internet expiration sa pamamagitan ng “roll-over data system” na kanyang ipinasa sa Senado.

Layunin ng panukalang batas na matulungan ang mga internet subscribers na masulit ang kanilang binabayad sa mga package at promo sa internet.

Ang Senate Bill 1880 ay magpapatupad ng “roll-over data scheme” na magagamit sa lahat ng Internet Service Providers (ISPs).

Sa ganitong paraan, ang hindi nagamit na data allocation ng internet data package o promo ay hindi ma-e-expire bagkus ay magpapatuloy hanggang sa susunod na buwan at hanggang sa katapusan ng taon.

Kapag may matitira pang data allocation sa katapusan ng taon ay magiging rebate ito kung saan magagamit sa susunod na subscription.

Naniniwala si Lapid na panahon na para sa ganitong hakbang lalo na at humaharap ang bansa sa “new normal” sanhi ng COVID-19 kung saan halos ng tao ay nakadepende sa internet, gaya ng negosyo, kumunikasyon, at mga transaksyon pangpinansyal.

“Sa panahon ngayon hindi na lamang luho ang pagkakaroon ng internet sa bawat tahahan. Isa na itong pangangailangan ng marami kung hindi man ng lahat sa atin. Mula sa simpleng komunikasyon hanggang sa pag-aaral at operasyon ng negosyo, nakasalalay sa internet ang marami sa atin,” pahayag ni Senador Lapid.

Aminado tayong malaki pa rin ang pagkukulang pagdating sa internet connectivity sa ating bansa pero gusto ko kahit papaano maging sulit ang binabayad ng ating mga kababayan para sa mga internet package at promo sa pamamagitan ng roll-over data scheme.

Sa pamamagitan nito, wala na dapat data na ma-e-expire at magagamit ang lahat ng ito sa mga susunod na buwan hanggang matapos ang taon.”

Aniya, habang nireresolba pa ang isyu sa internet speed sa bansa, makakabuti umanong makapagbigay ng kalidad na sirbisyo ang mga ISP at telecommunication companies sa bansa.

Kapag naipatupad na ang “roll-over data scheme,” maiiwasan na ang karaniwang nararanasan ng mga subscribers na nasasayang lang ang hindi pa nagamit na data dahil lamang sa ito ay na-expired na.

“Nakakalungkot na marami sa mga mahihirap nating kababayan ngayon ang napipilitang isama sa kanilang kapos na budget ang internet subscription. Mas masaklap pa ay hindi nalulubos ang kanilang ginagastos dahil may nasasayang na data oras na abutan ito ng expiry date,” dagdag ni Lapid.

“Kaya tingin ko importante na may maisulong na batas para puwedeng gamitin ang data na hindi mauubos sa mga susunod na buwan at puwede pang ma-convert sa rebates sa katapusan ng taon.”

“Sa ganitong paraan, masusulit ang gastos ng bawat isa sa ating mga kababayan na nagsa-subscribe sa internet sa mga panahong ito,” aniya pa.

Upang matiyak na maipatupad at masunod ang panukalang batas ay pagmumultahain ang lalabag nito.

Kabilang dito ang P300,000 para sa unang paglabag, P500,000 para sa pangalawang paglabag, at P1 milyon naman at pagbawi ng lisensiya at franchise ng ISP para sa ikatlong paglabag.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *