convict na napalaya
National

Re-arrest sa mga hindi sumukong convicts na napalaya sa GCTA, ipinatigil

IPINATIGIL muna ng Department of Justice sa Philippine National Police (PNP) ang manhunt at muling pag-aresto sa mga hindi sumukong convicts ng heinous crimes na nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance o GCTA Law.

Ito ay matapos may makitang pagkakamali ang DOJ sa listahan ng convicts na isinumite ng Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon kay DOJ Spokesperson Undersecretary Markk Perete, natukoy ng kagawaran na nasa 40 Persons Deprived of Liberty (PDLS) ang hindi dapat kasama sa GCTA list.

Aniya, ang mga ito ay napagkalooban ng pardon o parol at hindi nag-avail ng GCTA.

Sinabi ni Perete na isasagawa ang re-arrest matapos maayos ang listahan at maberipika ang mga pangalan.

Una nang nag-deploy ng tracker team ang pulisya kaninang hatinggabi matapos mapaso ang ibinigay 15 days ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa tala ng DOJ, umabot sa 1,950 freed GCTA convicts ang sumuko, mas mataas ito kumpara sa 1.914 na nasa listahan ng BuCor.

 NCRPO, tumalima na sa utos ng DOJ

Ipinatigil naman ni NCRPO Chief Police Major General Guillermo Eleazar ang muling pag-aresto sa mga convict na napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance na hindi sumuko.

Ito ay bilang pagtalima sa utos ng Department of Justice (DOJ) na itigil muna ang manhunt operation.

Gayunman, sinabi ni Eleazar na patuloy pa rin nilang babantayan ang mga hindi pa sumusuko.

sa taya ng NCRPO, higit pang 170 na mga convict na nakalaya dahil sa kontrobersyal na batas ang nasa Metro Manila.

Hindi rin aniya muna nila papalayain at isasailalim na sa ‘recomputation’ ang mga naaresto mula nang magpaso ang 15 days deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, sinabi ni PNP Deputy Spokesperson Police Lieutenant Colonel Kim Molitas na hihintayin na muna nilang dumating ang listahan mula sa Department of Justice (DOJ) bago nila i-resume ang muling pag-aresto sa mga hindi pa sumuko.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *