Quarantine protocols sa mga dumarating na OFW sa bansa, posibleng paigtingin pa

Quarantine protocols sa mga dumarating na OFW sa bansa, posibleng paigtingin pa

TINIYAK ng Department of Labor and Employment (DOLE) na posibleng tataasan pa ng Inter-Agency Task Force (IATF)ang quarantine period ng mga dumarating na overseas Filipino worker (OFW) partikular na mula sa bansang may high risk ng Delta variant.

Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng kaso ng Delta variant COVID-19 sa bansa, itutuloy pa rin ng pamahalaan na  magsagawa ng repatriation flight mula sa bansa na sakop ng inbound travel ban ng Pilipinas o yung may mga high risk ng COVID-19 Delta variant.

Ipinaliwanag ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na kailangan pa rin makauwi ng mga overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Middle East o sa mga bansang may travel restriction.

Ani Bello,  kaawaawa din ang  mga OFW na matagal nang panahon na na-istranded sa Middle East o sa mga bansang may mataas na kaso ng Delta variant kung hindi papayagan na makabalik sa Pilipinas.

Gayunman tiniyak naman ni Bello na mahigpit pa rin ang ginagawang monitoring at pagbabantay sa quarantine protocols sa mga dumarating na mga OFW sa bansa.

Dagdag ng kalihim sa ngayon wala pa namang naiulat na may mga Pilipinong manggagawa mula sa ibang bansa ang naapektuhan ang kanilang trabaho dulot ng COVID-19 variant.

Posible din aniya na tumaas ang quarantine protocols sa mga dumarating na OFWs sa bansa partikular na sa mga bansang may travel restrictions.

Matatandaan pinayagan ng IATF ang pagsasagawa ng special commercial flights upang maiuwi ang mga OFW na nai-stranded sa Middle East at iba pang bansa na sakop ng inbound travel ban ng bansa.

Kabilang sa mga bansa na  may travel restriction ay ang Indonesia habang pinalawig pa ng pamahalaan ang  bansang India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates at Oman ng  hanggang Hulyo 31, 2021 matapos na ito ay aprubahan ng IATF on Emerging Infectious Diseases.

Matatandaang isinagawa ang travel ban sa mga bansang nabanggit  bilang bahagi ng pag-iingat na huwag makapasok sa Pilipinas ang Delta variant ng COVID-19.

Sa huling tala ayon sa DOH, kabilang ang 46 na  returning overseas Filipinos o ROFs sa 91 indibidwal na nakahalubilo ng 16 na bagong Delta variant cases sa bansa, kasama din ang 8 sa mga natukoy ay mula sa National Capital Region ; 10 sa Region 6 ; 27 sa Region 10.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *