Provincial buses na bibiyahe papasok ng Metro Manila, pinaghandaan na

Provincial buses na bibiyahe papasok ng Metro Manila, pinaghandaan na

NAKAHANDA ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa posibleng pagbubukas ng mas marami biyahe ng provincial buses papasok ng Metro Manila.

Ito ang inihayag ni MMDA EDSA Traffic Chief Bong Nebrija sa panayam ng SMNI News.

Matatandaan na kahapon ay inanunsyo ni LTFRB Chair Martin Delgra na sa susunod na mga linggo ay madadagdagan pa ang bilang ng mga provincial buses papasok ng Metro Manila.

Kaugnay nito, sinabi ni Nebrija nakahanda na ang kanilang inilatag na phase-in kung saan hindi pa rin papayagang makabiyahe sa EDSA ang mga provincial bus.

“Nakahanda naman po tayo diyan. Ang  maganda dito kapag nag-phase in na po tayo ng mga provincial buses, limitado po ang pagdaan sa EDSA malaman nga hindi po sila dumaan ng EDSA. Mayroon na po tayong mga pini-phase in galing sa Region 3 at Region 4A. Ngayon, itong mga ito wala pa pong dumadaan sa EDSA. Ang ruta naman po nila lalong-lalo na kung  manggagaling ka ng Norte even though na ang end point mo ay Cubao ang daan niya sa likod, sa looban, sa Mindanao Ave., Luzon, Katipunan up to Cubao. So, hindi po tayo maapektuhan niyan,” ang pahayag ni Nebrija.

May paalala naman ng MMDA ang mga mananakay o sa magtutungo sa Metro Manila.

“Kailangan nating malaman ang ruta na ito bago tayo bumiyahe. Kasi nga po ang sinasabi natin sa mga commuters baka they expect sa terminal sila bababa o sa dati nilang binababaan sa Cubao, eh hindi na po mangyayari ‘yan,” aniya pa.

Reklamo sa bus route, tinutugunan na

Samantala, tinutugunan na ngayon ng MMDA ang ilang reklamo na kanilang natanggap sa ipinatutupad na bagong bus route ngayong new normal dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Nebrija na bumubuo na sila ng technical working group katuwang ang DOTr, LTFRB, maging ang DPWH upang tugunan ang mga reklamong partikular sa bahagi ng BIR Road.

Samantala, bahagya na rin aniyang naayos ang kalituhan sa bahagi ng EDSA – Quezon Avenue kung saan ibinuntong ng mga commuters sa MMDA ang sisi sa malayong babaan.

Sa ngayon, ang mga city bus na may end point sa EDSA-Quezon Avenue ay ang mga nagmula sa Angat, Bulacan, Montalban, Rizal at EDSA-Taft via Manila City.

SMNI NEWS

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *