Proteksyon ng mga mamimili sa negosyo online, dapat paigtingin —Gatchalian

Proteksyon ng mga mamimili sa negosyo online, dapat paigtingin —Gatchalian

DUMARAMI ang mga negosyo online sanhi na rin ng paghihigpit sa paglalabas ng mga tao dahil sa pandemya, ngunit nakikisabay naman ang mga nanloloko sa ganitong uri ng transaksyon sa internet.

Ikinabahala ni Sen. Win Gatchalian ang pag-usbong ng mga manloloko sa negosyo sa internet kung saan aniya ay dapat paigtinign pa ang mga patakaran na magbibigay ng proteksyon sa mga mamimili na nabibiktima nito.

“Kailangang palakasin natin ang consumer protection sa ganitong panahon na halos sa online na ang pamimili ng karamihan at dumarami ang mga nagbebenta ng mga counterfeit items o pekeng produkto,” pahayag ni Gatchalian.

Nadismaya ito sa kawalan ng batas na magpaparusa laban sa mga mapanlinlang na online sellers.

Bunsod nito ay isinusulong niya ang Senate Bill No. 1591 o ang panukalang Internet Transactions Act.

“Dapat masolusyunan ito. Kung hindi mabawasan, ay mapigilan ang pagpasok sa ating merkado ng mga pekeng produkto o mga produkto na malaki ang pagkakaiba sa naiprisinta sa online market,” aniya pa.

Aminado rin ito na hindi madaling matunton ang ibang online sellers dahil sa lawak ng merkado ng online business.

Sinang-ayunan naman ito ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo.

Sinabi ni Castelo sa pinakahuling pagdinig sa senado na walang sapat na panuntunan hinggil sa counterfeit items laban sa pagbebenta sa online.

Wala rin umanong kakayanan sa ngayon ang DTI na mapanagot ang mga online sellers lalo na kung hindi sila rehistrado at walang anumang impormasyon para makipag-ugnayan sa mga kinauukulan.

Kaugnay nito ay naniniwala si Gatchalian na kapag naisabatas na ang panukalang Internet Transactions Act, maaring tugunan ng DTI ang mga reklamong ipaaabot sa kanila ng mga kunsyumer lalo na kung rehistrado na ang lahat ng online sellers.

Ayon kay Castelo, mahihirapan silang tugunan ang mga hinaing ng mga mamimili kung walang contact information o address ang isang online seller.

Samantala, sinabi ni Gatchalian na layunin ng batas na magbuo ng isang E-Commerce Bureau o isang online one-stop shop na ahensiya kung saan maidudulog ang mga reklamo ng mga namimili sa online market.

Ayon kay Gatchalian na magsisilbing regulatory body sa online selling ang panukala nitong Internet Transactions Act kung saan mas magiging maayos din ang pagtataguyod ng e-commerce sa bansa.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *