PNP, nagbabala sa paglaganap ng extortion ng mga NPA ngayong halalan

PNP, nagbabala sa paglaganap ng extortion ng mga NPA ngayong halalan

NAGPAALALA si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar sa mga pulitiko na huwag bibigay sa hinihinging “permit-to-campaign fee” ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa darating na halalan.

Karaniwan aniya itong nangyayari tuwing tatakbo ang mga pulitiko at nangnanais na makakuha ng boto sa mga liblib na lugar o malalayong barangay na halos kontrolado ng mga NPA.

Ayon pa kay Eleazar, kadalasang kumikita ang mga rebeldeng komunista tuwing eleksyon sa panghihingi ng “permit-to-campaign fees” sa mga pulitikong may nais tumakbo sa puwesto, mapa lokal o nasyunal.

“As the national polls draw near, the CPP/NPA is expected to again take advantage of the elections for financial gain through extortion,” pahayag ni Eleazar.

Babala ng heneral, posibleng kaharapin ng sinumang kandidato ang nakapaloob sa Anti-Terrorism Act of 2020 dahil sa pagsuporta ng mga ito sa mga makakaliwang grupo na CPP-NPA-NDF sa pamamagitan ng pagbibigay ng pero kapalit ng pangangampanya nito sa isang lugar.

“I want to remind persons planning to run in the elections that giving in to this demand for money by the CPP/NPA, would mean giving the communist rebels financial support and would make them liable for violation of several special laws including the Anti-Terrorism Act of 2020,” paalaala ni Eleazar.

Binanggit pa nito ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa CPP/NPA bilang teroristang organisasyon sa ilalim ng Proclamation No. 374 na may kaugnayan sa Section 3 (e)(1) ng Republic Act 10168 o ang Terrorism and Financing Prevention and Suppression Act of 2012.

Sa ilalim ng nasabing batas, mahaharap sa kaso ang sinumang magbibigay ng suportang pinansyal sa alinmang teroristang grupo na posible naman magamit sa mga pangterorismong pag- atake nito laban sa pamahalaan.

Ang paglabag sa RA 10168 ay may katapat na parusang 20 hanggang 40 pagkakabilanggo at multang hindi bababa sa P500,000.

Posible ring isailalim sa freeze order ng Anti-Money Laundering Council ang lahat ng ari-arian at iba pang assets ng pulitiko.

Ibinabala pa ni PGen Eleazar na sinumang pulitikong kakandidato ay maaaring mapanagot bilang principal sa aktibidad ng mga terrorista sa ilalim ng Section 12 ng Anti-Terrorism Act of 2020 at makasuhan sa ilalim ng Omnibus Election Code of the Philippines.

Matatandaang, inumpisahan na ding makipag-ugnayan ng PNP sa Commission on Elections (COMELEC) upang mapigilan ang pamimili naman ng boto tuwing sasapit ang panahon ng halalan sa ilalim naman ng paggamit ng electronic cash transfer

(BASAHIN: E-money transfer posibleng magamit ng pulitiko para sa vote buying — COMELEC at PNP)

Isang paraan ng pagbili ng boto ng mga kandidato sa mga lugar na may malalaking bilang ng boto o nakarehistrong botante sa bansa.

Giit ng opisyal, para sa mga politiko aniya, hindi dapat na manaig ang pansariling interes kaysa sa interes ng bayan.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *