Pinsala ng Bagyong Ulysses sa sektor ng agrikultura at imprastraktura, halos P13-B

Pinsala ng Bagyong Ulysses sa sektor ng agrikultura at imprastraktura, halos P13-B

UMABOT na sa halos P13 bilyon ang pinsala na iniwan ng Bagyong Ulysses sa sektor ng agrikultura at imprastraktura batay sa huling datos ng NDRRMC mula sa walong rehiyon ng Luzon.

Sa naturang danyos, P8.69 bilyon dito ay pinsala sa imprastraktura na naitala sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, CAR at Metro Manila.

Habang ang P4.21 bilyon naman ay pinsala ni Ulysses sa sektor ng agrikultura sa rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol, CAR, at National Capital Region.

Samantala, nananatili naman sa 73 ang bilang ng nasawi sa pananalasa ng Bagyong Ulysses sa bansa.

Binigyang-diin naman ni Department of Social Welfare and Development Spokesperson Director Irene Dumlao sa panayam ng SMNI News na  palaging nakahanda ang ahensiya sa anumang kalamidad.

Ito ang tugon ni Dumlao kaugnay sa sinasabi ng ibang kritiko na kulang ang aksyon na ginawa ng pamahalaan para sa nasalanta ng nagdaang mga bagyo.

“Parte po ng disaster response operations natin ‘yung pag-preposition ng mga standby funds sa iba’t ibang lugar in strategic areas all over the country dahil meron po tayong mga field offices. Ang atin pong quick response team ay naa-activate kapag may mga advisory na po na dumadating na bagyo. In other words, ang DSWD ay lagi pong handa,” paliwanag ni Dumlao.

May sapat aniya na resources aniya ang DSWD na pagtugon sa lahat kung sakaling may mga hindi inaasahang pangyayari sa bansa.

Sa katunayan, nakahanda ang Department of Budget and Management na dagdagan ang quick response fund ng isang ahensiya kung sakaling paubos na ito.

Samantala, ibinahagi ni Spokesperson Dumlao na umabot na sa P82.7 million ang naibigay ng ahensiya na tulong para sa nasalanta ng Bagyong Ulysses sa Regions 1, 2 at 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, CAR at NCR.

Nagpapatuloy naman ang pamamahagi ng ayuda ng ahensiya hanggang sa kasalukuyan.

SMNI NEWS

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *