Pilipinas, umangat ang pwesto sa COVID-19 resiliency ranking ng Bloomberg

HINDI na ngayon nakalagay ang Pilipinas sa pinakahuling pwesto ng COVID-19 resiliency ranking ng Bloomberg.

Sa December report ng naturang international ranking na nagsusuri sa resiliency ng mga piling mga bansa sa pagharap ng COVID-19 pandemic, sa 53 mga bansa na kasama sa pag-aaral, nasa ika-50 na pwesto  ang Pilipinas.

Umabot ang resiliency score ng bansa ng 52. Nalamangan ng Pilipinas ang mga bansang Indonesia, South Africa at Vietnam.

Matatandaang noong huling tatlong buwan, nasa pinakailalim ng listahan ang bansa. Ang Vietnam naman ngayon ang nasa naturang pwesto.

Ayon sa Bloomberg, umangat ng tatlong pwesto ang Pilipinas matapos lumuwag ang mga restriksyon nito, tumaas ang vaccination rate at bumaba ang bilang ng mga nahahawaan ng COVID-19 na maaaring hudyat na under control na ang mga hindi pa nade-detect na mga kaso.

“The Philippines — ranked last the past three months — edges up three places as restrictions were eased, vaccination rates improved and the positive test rate fell, suggesting that undetected infection is finally coming under control,” saad ng Bloomberg.

Kabilang sa mga indicator ngnaturang international ranking ay ang vaccination coverage, pagpigil sa hawaan, ang tindi ng mga lockdwon, kalidad ng healthcare, ang kabuuang bilang ng COVID-19 deaths at cases, community mobility, at human development index.

Patuloy na bumubuti ang vaccination rate at patuloy na bumababa ang bilang ng mga nagkakaimpeksyon ng COVID-19 sa Pilipinas.

Mahigit 45 million na ngayon sa bansa ang fully vaccinated laban sa COVID-19. Maaari na ring mabakunahan ang lahat ng 5 to 11 years old kasunod ng pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA) sa emergency use authorizatio ng mga bakuna ng Pfizer-BioNTech.

Tinatarget ng pamahalaan na aabot sa 54 million ang makatanggap ng kumpletong bakuna sa katapusan ng taon.

Sinabi naman ng Bloomberg na sa loob ng pitong magkakasunod na buwan, ang mga Southeast Asian country pa rin ang nasa ilalim ng listahan.

SMNI NEWS