Pastor Apollo C. Quiboloy: ‘Yung may pag-ibig sa Pilipinas ang dapat maging House Speaker

Pastor Apollo C. Quiboloy: ‘Yung may pag-ibig sa Pilipinas ang dapat maging House Speaker

ANG tunay na may pag-ibig sa Pilipinas ang dapat maging pinuno ng Mababang Kapulungan.

Ito ang naging saloobin ni Pastor Apollo C. Quiboloy kaugnay sa nagpapatuloy na gitgitan sa usapin ng House Speakership sa pagitan nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Sa programang Powerline ni Pastor Apollo, sinabi ng butihing Pastor na ang isang bahay na hati ay hindi makatatayo.

Bihagi rin ni Pastor Apollo ang kuwento ni King Solomon kung saan siya ay nagbigay ng hatol sa dalawang ina na nag-aagawan sa isang anak, kung saan iniugnay ng butihing Pastor na ang tunay na nagmamahal ang siyang dapat manguna sa pamumuno sa bansa.

“A house divided against itself, cannot stand… Sino ang may pag-ibig sa Pilipinas? At sino ang may pag-ibig na tumulong sa buong bansa? ‘Yun ang tunay na dapat na leader. ‘Yung may tunay na pag-ibig sa bansa,” pahayag ni Pastor Apollo.

Binigyang-diin ni Pastor Apollo, na ang nagmamahal sa bansa na handang magsakripisyo para sa ikabubuti ng lahat ay ang karapat-dapat na maging House Speaker.

‘Yung may pag-ibig sa Pilipinas. Iniisip mo ang kapakanan ng buong bansa, you can sacrifice for the love of the country, ‘Sige para hindi lang masira, ibigay ko na [ang speakership] sa’yo,’” wika ni Pastor Apollo.

Matatandaan na nagkaroon ng term-sharing agreement si Cayetano at Velasco noong nakaraang taon kung saan uupo bilang House Speaker si Cayetano sa loob ng 15 buwan habang 21 buwan naman si Velasco.

Ngunit naging mainit na ang usapin nang matatapos na ang termino ni Cayetano kung saan nahati ang Kamara dahil nais ng ilan na manatili si Cayetano sa puwesto.

Ngunit desidido naman si Velasco na tuparin ang naging term-sharing agreement.

Kamakailan lang din ay nagre-sign si Cayetano ngunit tinanggihan naman ito ng Kamara.

Nakatakda sana sa Oktubre 14 ang pag-turn over ng speakership kay Velasco ngunit naantala ito matapos ipasa ng Kamara ang Proposed 2021 Budget Bill sa ikalawang pagbasa, kung saan suspended ang session hanggang Nobyembre 16.

At dahil walang session, hindi makakaboto ang mga kongresista para pormal na mailuklok si Velasco bilang House Speaker.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *