Papaalis sa bansa na mga OFW, pinaprayoridad sa pagbabakuna

Papaalis sa bansa na mga OFW, pinaprayoridad sa pagbabakuna

PINAPRAYORIDAD sa pagbabakuna ang mga OFW na papaalis sa bansa.

Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na gawing prayoridad sa pagbakuna ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) lalong lalo sa mga nakatakdang lumipad papunta sa ibang bansa.

Ayon pa sa mambabatas, dapat na silang makatanggap ng bakuna habang nandito pa sila sa Pilipinas upang makabalik agad sa trabaho, iilan kasi sa mga OFW na papaalis ay nagtra-trabaho sa mga hotel sa abroad at marami sa mga ganitong negosyo ay bumabalik ng paunti-unti kayat kailangan masiguro na bago makaalis ng bansa ay bakunado na ang mga ito.

Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), unti-unti nang bumabalik sa pre-pandemic status ang bilang ng mga Filipino seafarers na umaalis ng bansa kada buwan.

Mula sa 15,000 na umalis noong Enero, nasa 30,000 na ang nakaalis na seafarers nitong Mayo, batay sa datos ng POEA, nasa 40,000 kada buwan ang umaalis na seafarers bago pumutok ang pandemya.

Sa pinakahuling anunsiyo ng IATF, inilagay na sa Priority Group A1 ang mga OFW na papaalis o bumalik sa kani-kanilang mga trabaho sa ibang bansa sa mga susunod na buwan.

Aniya, mahalaga na mabakunahan sila para walang maging sagabal sa kanilang muling pagbiyahe sakaling nakatakda na silang pabalikin sa trabaho o umalis para sa bagong trabaho sa ibang bansa.

Bukod pa dito, mapapalakas din ang ekonomiya ng bansa kapag umusbong muli ang OFW remittances at tumaas ang halaga ng piso kontra dolyar.

Pinanawagan ng senador sa POEA at sa Department of Labor and Employment (DOLE) na pangasiwaan at siguraduhin na mabigyan ng kaukulang bakuna laban sa COVID-19 ang mga OFW na papaalis batay sa brand na ire-require ng bansang pagtatrabahuhan nila.

Inaasahan naman ang pagdating ng 25 milyong doses ng anti-COVID-19 vaccines ngayong Setyembre at karagdagang 29.5 milyon naman ang nakatakdang dumating sa bansa sa buwan ng Oktubre ng kasalukuyang taon.

SMNI NEWS