Panibagong batch ng 500,000 dosis ng Sinovac vaccines, dumating na sa bansa

GANAP na 7:05 ng umaga lumapag ang chartered Cebu Pacific Flight 5J 671 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 kung saan lulan ang panibagong batch ng 500,000 dosis ng Sinovac vaccines sa bansa.

Sinimulan ang pagbaba ng 14 pallets na naglalaman ng naturang bakuna alas 7:10 ng umaga at ikinarga sa isang truck.

Sinalubong ni NTF Against COVID -19  Chief Implementer and vaccine czar  Sec. Carlito Galvez ang pagdating ng mga bakuna.

Sa panayam kay Galvez, sinabi nito na priority pa rin ang NCR Plus, Laguna, Bulacan, Cavite, at Rizal at sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19  partikular na sa CAR at sa Region 2, Region 6 at Region 7.

Ayon pa kay Galvez, sa Mayo 1 naman inaasahang darating ang susunod na bakunang Sputnik V mula sa Moscow  na may 15,000 dosis.

(BASAHIN: Pagdating ng 15-K dosis ng Sputnik V sa bansa, kanselado)

Sa Mayo 7, inaasahan ding darating ang biniling  1.7M na Sinovac vaccines sa Pilipinas.

Matatandaan nitong Abril 22 nang dumating ang 500,000 dosis ng Sinovac vaccines na binili ng Pilipinas galing China na lulan ng Philippine Airlines na lumapag sa NAIA Terminal 2.

Ang mga naturang bakuna ay dinala na sa Pharmaserv, isang cold storage facility na matatagpuan sa Marikina City.

SMNI NEWS