Pangulong Duterte nakahanda nang magretiro sa 2022

Pangulong Duterte nakahanda nang magretiro sa 2022

SINABI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Pastor Apollo C. Quiboloy sa isang one-on-one Interview sa SMNI Exclusive na mahirap ang muling pagtakbo sa susunod na halalan bilang bise presidente.

Matatandaan na ang PDP Laban kung saan Chairman si Pangulong Duterte ay nagpalabas ng isang resolusyon sa pangunguna ng Party Vice Chairman Alfonso Cusi na nanghihikayat sa Pangulo na tumakbo sa pagkabise presidente sa 2022  National Elections.

Nakalagay din sa naturang resolusyon na malaya ang pangulo na makapamili kung sino ang gusto nitong maging running mate sa kanyang pagtakbo sa naturang posisyon.

Pero ayon sa Presidente ay baka masamain lamang ng mga kritiko sakaling siya ay tatakbo at manalo sa darating na halalan.

“Mahirap iyan Pastor kasi mag-retire na ako tapos this time ako ang mamili ng presidente, ‘pag manalo sabihin nila ano ko lang iyan, perpetuate yourself in power. So, magre-resist ako,” pahayag ng Pangulo.

Sinabi naman ni Pastor Apollo na dahil sa magandang accomplishment ng Pangulo kaya nanatili ang panawagan ng publiko na manatili ito sa gobyerno.

Sa kabila nito ay sinabi ni Duterte na nakahanda na ito magretiro pagkatapos ng kaniyang termino sa taong 2022.

“Ah, ako naman I am ready for retirement,” ayon pa sa Pangulo.

Sinabi naman ni Duterte na gusto nitong magretiro sa Prayer Mountain sa Davao City na pag-aari ng The Kingdom of Jesus Christ.

Samantala, pinagsabihan ni Pangulong Duterte si Sen. Manny Pacquiao na mag-aral muna bago pumuna sa kanyang mga polisiya.

Matatandaan na sa panayam ng media kay Pacquiao ay sinabi nitong nakukulangan siya sa kilos ng pangulo pagdating sa usapin sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon pa sa senador iba ang pinapakita ng pangulo sa mga kataga o pangako nito sa kanyang pangangampanya noong 2016 elections na kung saan ay nagsabi pa aniya ang pangulo na magje-jetski at pupunta sa WPS para iwagayway ang bandila ng watawat ng Pilipinas doon.

Matatandaan naman na sa halip na maging assertive sa usapin sa WPS ay pinili ni Pangulong Duterte ang diplomatic approach sa pakikipag-deal sa bansang China.

 “I would not want to degrade him but next time he should..mag-aaral ka muna nang husto,” ayon pa ng Pangulo.

“This guy has very shallow knowledge,” dagdag pa ng pangulo na tinutukoy si Pacquiao.

Sinabi naman ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na walang karapatan ang sinuman na kwestyunin ang foreign policy ng Pangulo.

Sinabi din ni Enrile na mapanganib sa bansa ang maging mapangahas sa China.

Maging si Pastor Apollo C. Quiboloy ay suportado ang friendly approach ni Pang. Duterte sa China at lalo pa dapat palakasin ang independent foreign policy ng bansa para sa kaligtasan at kapayapaan na rin ng Pilipinas.

(BASAHIN: Pangulong Duterte, template ng leadership sa Pilipinas —Pastor Apollo C. Quiboloy)

SMNI NEWS