Pang. Duterte kay VP Robredo: Huwag ninyong sirain ang gobyerno

Pang. Duterte kay VP Robredo: Huwag ninyong sirain ang gobyerno

IPINARATING ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo na huwag na sanang palalain pa ang sitwasyon ng bansa sa gitna dinaranas na coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic.

Sinabi ni Pangulong Duterte na walang basehan ang mga pahayag ni Robredo patungkol sa pagtugon ng administrasyon sa pandemya.

“Ito namang kay Leni and her ending statement, kung hindi ko raw gawin, ng gobyerno, gagawin ng tao. Well sa panahon nitong pandemic, medyo desperado ang mga tao, tapos dagdagan ninyo ng mga ganoon na wala naman kayong base.” President Rodrigo Roa Duterte

Ito ang resbak ni Pangulong Duterte matapos ang isinagawang public address ni Robredo nitong Lunes ng gabi para i-report ang kanyang mga rekomendasyon kung papaano mapag-ibayo ang ekonomiya ng Pilipinas sa gitna ng pandemya.

Nagbitaw din ng akusasyon si Robredo sa Administrasyong Duterte na wala aniyang malinaw na direksyon sa pagtugon sa malaking epekto ng pandemya sa mga Pilipino.

Pinabulaanan naman ng pangulo ang mga kritisismo ng bise presidente na umano’y kakulangan ng gobyerno sa plano sa paglaban kontra coronavirus.

Sinabi ni Pangulong Duterte kay Robredo na ‘wag aniya nilang sirain ang gobyerno dahil taumbayan ang masisira rito at huwag nang dagdagan pa ang problemang kinakaharap ng bansa.

“Please do not add fuel to the fire. You will just destroy government. Wag ninyong sirain ang gobyerno kasi masisira ang tao. Pag nasisira ang gobyerno, lulutang tayong lahat. Maski na sabihin ninyo mamatay ako bukas, it cannot solve the problem of the country.” President Rodrigo Roa Duterte

Sa 20 minutong talumpati, binanggit din ni Robredo ang isyu ng kawalan ng tiwala ng publiko sa pamahalaan sa gitna ng national health emergency dahil sa kinakaharap ngayon na mga alegasyon ng korupsiyon ng ilang opisyal ng pamahalaan gaya ng overpriced PPEs sa bilyong pisong kwestyunableng cash advances sa mga ospital.

 “How can there be confidence when we are unsure of where funds are going? How can there be confidence when every time the leadership holds a press conference, clarity is in short supply? Clearly, the people are willing to man the oars; what we need is someone to point us towards the proper direction. Someone to steer the ship of state.” Vice President Leni Robredo

Mababatid na nagpaabot ng sampung rekomendasyon si Robredo na may kinalaman sa health crisis, ekonomiya, edukasyon, isyu ng kahirapan, employment at iba pa.

Matatandaang kamakailan naglatag na rin si Robredo ng kanyang mga mungkahi sa pamahalaan kung paano masosolusyunan ang COVID-19 pandemic.

Pero sa mga suhestyon ni Robredo, ipinabatid ng Malakanyang na halos nagawa na ng pamahalaan ang mga iminungkahing hakbang ng bise presidente upang masolusyunan ang pandemya sa bansa.

SMNI NEWS

One thought on “Pang. Duterte kay VP Robredo: Huwag ninyong sirain ang gobyerno

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *