resulta ng recount
National

Pakikipagbati ni VP Leni Robredo kay Pang. Duterte, sinang-ayunan ni Sen. Go

WALANG nakikitang problema para kay dating Special Assistant to the President at ngayo’y Senator Christopher Bong Go ang hangarin ni VP Leni Robredo na makipag-ayos kay Pangulong Duterte.

Sa panayam kay VP Leni, hinangad nito ang maayos na relasyon niya sa pangulo sa huling tatlong taong panunungkulan nito sa bansa.

Nais ni Robredo na alisin sana sa pananaw ng taumbayan na sila ay magkaaway mula sa umpisa at handa itong makipag-isa sa mga adbokasiya ng pamahalaan

“Ang ating parang hino-hope, iyong sanang mangyayari, iyong magandang working relationship between sa pangulo at saka sa pangalawang pangulo. Kasi iyon naman ang nararapat sana…kasi ang tingin na sa atin kalaban mula sa umpisa,”ayon sa bise presidente.

Ayon naman kay Bong Go, walang masama sa pag-aayos ng dalawa at welcome naman aniya ang sinuman na nais makipagbati kay Pangulong Duterte.

“Bakit naman hindi kung tutulong po siya sa mga programa ni Pangulong Duterte, iisa lang naman po ang programa ni Pangulong Duterte na tuparin ‘yung mga pangako niyang pagbabago na inumpisahan niya,” ani Go.

“Yung kampanya laban sa korapsiyon sa gobyerno, laban sa kriminalidad at laban sa iligal na droga. Kung gusto niyong tumulong kay Pangulong Duterte, welcome po kayo lahat na tumulong,” dagdag pa ng senador.

Muli ring tiniyak ni Go ang publiko, na patuloy na ginagampanan ng pamahalaan ang responsabilidad nito na magkaroon ng maayos na pamumuhay ang mamamayan sa buong bansa.

Ngayong darating na Hulyo 22, itinakda ang ika-apat na State of the Nation Address o SONA ng pangulo kasabay ng pagbubukas ng Ika-18 Kongreso na siya ring umpisa ng kanilang huling tatlong taong paninilbihan bilang pangulo ng Pilipinas.

POL MONTIBON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *