Pagpapaunlad sa SUCs, ipinanawagan ng isang mambabatas

Pagpapaunlad sa SUCs, ipinanawagan ng isang mambabatas

NANAWAGAN si Senator Sherwin Gatchalian sa mga state universities and colleges (SUCs) kasunod ng marami pa ring mga kwalipikadong mag-aaral ang hindi pa rin nakakapasok kahit naipasa na nila ang kanilang admission exam.

Sa kanyang pagpupulong sa mga presidente ng SUCs, napag-alaman nito na mayroon pa ring mga mag-aaral ang hindi natutuloy sa pagpasok dahil sa kakulangan sa mga silid-aralan, pasilidad, mga laboratoryo, mga guro at iba pang mga pangangailangan.

Aniya, tumataas na ang inilalaang pondo para sa pagpapatupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o Free Higher Education Law.

Dagdag pa ng senador, nakakapanghinayang aniya na hindi napapakinabangan ng maraming mga deserving at qualified na mag-aaral sa kolehiyo ang libreng matrikula dahil lang sa kakulangan sa kapasidad ng ibang mga paaralan.

Binigyang diin nito, hindi lahat ng nakakapasa sa mga admission exam ay nabibigyan ng libreng edukasyon sa kolehiyo at hindi nila ito pagkukulang.

Base sa datos ng (UNESCO) nasa 41 percent ang participation rate sa bansa pagdating sa higher education, kabilang ang enrollment sa Technical-Vocational Education and Training (TVET) programs.

Habang ang participation rate ng Pilipinas pagdating sa higher education ang pang-apat sa Asean.

Isa sa mga hakbang na nakikita ni Gatchalian, kinakailangan ang roadmap upang matugunan ang hamon ng mga SUCs pagdating sa kanilang kapasidad.

Matatandaang, nasa P38-B ang pondo noong 2020 habang ang pondo naman sa free higher education law ay umakyat sa P44-B nitong 2021.

Sa taong 2022, ang panukalang budget para sa batas ay P46-B.

Sa ngayon, mahigit isang milyong mag-aaral mula sa 114 na SUCs at 106 na local universities and colleges (LUCs) ang hindi na nagbabayad ng kanilang tuition at miscellaneous fees dahil sa batas na libreng kolehiyo.

Nasa kalahating milyong mga mag-aaral din ang benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES) at mahigit 200,000 naman ang benepisyaryo ng programang Tulong Dunong.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *