Pagpapaluwag sa age restrictions sa Metro Manila, ikukonsulta muna sa mayors

Pagpapaluwag sa age restrictions sa Metro Manila, ikukonsulta muna sa mayors

IKOKONSULTA muna ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Local Chief Executives ng Metro Manila ang patungkol sa kakaapruba lang na pagluwag pa ng age restrictions na payagang makalabas ng kanilang bahay.

Sa inilabas na IATF Resolution No. 95, inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force ang rekomendasyon na luwagan pa ang age based restrictions sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) simula Pebrero 1, 2021.

“The Inter-Agency Task Force (IATF) approved the recommendation to relax age-based restrictions for areas placed under Modified General Community Quarantine (MGCQ) beginning February 1, 2021,” ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque.

Ibig sabihin, ang lahat ng nasa 10 hanggang 65 taong gulang ay puwede nang lumabas ng bahay.

“Any person below ten (10) years old and those who are over sixty-five (65) years of age shall be required to remain in their residence at all times,” dagda ni Roque.

Pero sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa mga lugar naman na nasa ilalim ng General Community Quarantine o GCQ areas gaya ng Metro Manila, ay isasangguni muna ito sa mga alkalde ng NCR.

Ani Vergeire, maipatutupad lamang ang naturang polisiya sa age restrictions sa Metro Manila kung papayag ang mga local chief executives dito.

Paliwanag ni Vergeire, naiiba ang sitwasyon sa NCR dahil itinuturing pa rin itong epicenter sa COVID-19 cases.

Matatandaan, iminungkahi ni Trade Secretary Ramon Lopez na kung maaari, babaan sa sampung taong gulang ang pahihintulutang lumabas ng bahay gayong nakasusunod na rin sa health protocols ang ganitong edad.

Nabanggit din dati ni Acting Secretary Karl Kendrick Chua ng National Economic and Development Authority o NEDA na mananatili pa ring mababa ang consumer demand kapag hindi pa rin papayagan ang paglabas ng mga menor de edad at pahintulutan ang family activities.

Ang unti-unting anilang pagpayag sa mga menor de edad na lumabas ng bahay kasama ang kanilang pamilya ay makatutulong sa recovery ng ekonomiya ng bansa.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *