Pag-alis ng height requirement para matanggap sa trabaho, isinusulong sa Kamara

Pag-alis ng height requirement para matanggap sa trabaho, isinusulong sa Kamara

ISINUSULONG ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isang panukalang batas na naglalayong alisin ang height requirement para matanggap sa trabaho.

Sa ilalim ng House Bill 7740 o Anti-Height Requirement Law ni ACT-CIS Party list Representative Eric Go Yap, layong bigyan ng level playing field o patas na pagkakataon ang mga kulang sa height upang makapag-apply sa mga nais nilang trabaho.

Ayon sa mambabatas, hindi dapat nasusukat sa height ng isang tao ang kakayahang magtrabaho.

Mayroon aniya kasing mga trabaho na hindi naman kailangan ng tangkad tulad ng mga receptionist o waiter sa mga hotel at restaurant, sa mga opisina, sa barko o eroplano.

Dagdag pa nito na lahi naman nating mga Pilipino na hindi matatangkad, kaya’t panahon na upang alisin ang height requirement upang hindi na kailangan pang ma-disqualify ang isang aplikante dahil lang sa hindi nito naabot ang height requirement ng kompanya o ahensiya.

Nito lamang Setyembre nang ipasa ng Senado ang panukala para sa pagbababa ng minimum height requirement para sa mga uniformed personnel sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *