P442.9-M Quick Response Fund, nakahanda para sa apektado ng dalawang bagyo

P442.9-M Quick Response Fund, nakahanda para sa apektado ng dalawang bagyo

PATULOY na nakatutok ang national government sa developments ng operasyon ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Jolina maging ang preparasyon sa posibleng pananalasa ng Bagyong Kiko.

Mahigpit na nakamonitor ang pamahalaan sa epekto ng Tropical Storm Jolina at maaaring dulot ng Typhoon Kiko sa bansa.

“We are closely monitoring the developments of the operations for Tropical Storm Jolina and preparations for Typhoon Kiko,” pahayag ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Sa inilabas na statement, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sa batay sa huling tala nitong Setyembre 8, iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mayroong 2,045 pamilya o lagpas 7,602 indibidwal ang nananatili sa 131 mga evacuation center.

Ibinahagi naman ni Roque na mayroong nakahandang P442.9-M Quick Response Fund sa Central Office ng DSWD.

Bukod dito, may P11.2-Million na available funds din sa field offices ng ahensya sa MIMAROPA, Region 5, Region 6 at Region 8 at P32.5-million naman sa iba pang DSWD Field Offices.

Ang mga naturang pondo ay magsisilbing suporta ng pamahalaan sa relief needs ng mga na-displaced na pamilya.

Dagdag pa ni Roque, may naka-antabay naman na 12,535 family food packs sa Disaster Response Centers.

Samantala, inihayag naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagpapatuloy ang restorasyon ng power at communication lines maging ang clearing operations sa mga kalsada doon sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo.

Mababatid na ilang bahagi na lamang ng Luzon ang may nakataas ngayong storm signal dahil sa patuloy na paggalaw ng Bagyong Jolina patungong West Philippine Sea kung saan inaasahang lalabas na ng Pilipinas ang bagyo ngayong gabi.

Ang Bagyong Kiko naman ay posibleng makakaapekto na sa malaking bahagi ng Northern Luzon bukas.

Operasyon sa mga pantalan, balik-normal

Dahil sa masamang panahon, ilang sasakyang pandagat ang hindi pinahintulutang bumiyahe noong kasagsagan ng bagyo.

Pero ngayong araw,  iniulat ng pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) ang kasalukuyang lagay ng mga pantalan.

Sinabi ni PPA General Manager Atty. Jay Daniel Santiago na normal na ngayon ang operasyon sa mga pantalan.

“Nag-lift na po ng “no sail” policy ang Philippine Coast Guard, at regular na po iyong biyahe po ng ating mga sasakyang pandagat. Bagama’t may mangilan-ngilan pa rin po tayong mga pasaherong stranded, hindi po ito stranded dahil sa kasamaan ng panahon kung hindi po stranded dahil din po sa turnaround po ng mga vessels ‘no dahil nagkaroon po tayo ng kakulangan dahil nga po tumigil ang paglalayag. At ngayon po ay unti-unti na pong nababawasan po ang ating mga pasahero sa ating mga pantalan,” pahayag ni Santiago.

Aniya,  lagi silang handa sa mga bagyong nanalasa upang matiyak na ligtas ang mga mananakay pati ang kanilang mga pasilidad sa pantalan.

“Dahil nga po sa tagubilin po ng ating Kalihim, si Secretary Art Tugade, sa lahat po ng mga ahensiya po sa ilalim ng Department of Transportation na lagi po tayong maging handa sa kung anuman pong challenges, ano po, lalung-lalo na po sa sama ng panahon. Maski po doon sa Bagyong Jolina, tayo po ay nakapaghanda po doon. At makikita po natin sa mga nakaraang araw na bibihira po iyong na-stranded nating mga pasahero sa mga pantalan dahil nakapagbigay po tayo ng maagang notisiya sa kanila,” ani Santiago.

Pagdating naman sa pagpapatupad ng health protocols sa mga pasahero, ani Santiago ay tuluy-tuloy ang kanilang paghihigpit dito tulad na lamang ng pagkakaroon ng thermal scanning, paghu hugas ng kamay, pag-obserba sa social distancing at iba pa.

Samantala, pinayuhan naman ng pamunuan ng PPA ang mga bumibiyahe na kung saan man papuntang mga lokalidad ang mga ito, ay dapat siguraduhin nila na alam nila kung ano ang requirements ng mga local government unit (LGU) na kanilang patutunguhan.

“Dahil sa ngayon po, iba-iba na po iyong requirements ng LGUs; may mga specific requirements po sila. Mayroon pong nagri-require ng RT-PCR, mayroon pong nagri-require na antigen lamang at iyong iba naman po kapag bakunado ka na ay hindi na po kailangan ng kahit na anong COVID-19 screening,” payo ni Santiago.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *