P3.4-M halaga ng iligal na droga nasabat ng PDEA sa Quezon City; Bagong laya na tulak arestado

P3.4-M halaga ng iligal na droga nasabat ng PDEA sa Quezon City; Bagong laya na tulak arestado

NASABAT ng PDEA sa Quezon City ang P3.4-milyong halaga ng iligal na droga sa bagong laya na tulak na naaresto kagabi, Hulyo 28, 2021.

Sa kabila ng panawagan at babala ng pangulo na itigil na ang paggamit at pagbebenta ng iligal na droga ay may iilan pa rin ang matitigas ang ulo.

Hindi alintana ng mga  operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sama ng panahon at lakas ng ulan dulot ng hanging habagat, magtagumpay lamang ang kanilang misyon.

Sa eksklusibong kuha ng SMNI News makikita sa video na may sinusundan ang mga operatiba na isang sasakyan hanggang umabot ito sa tapat ng terminal ng isang bus sa Cubao, Quezon City.

Maya-maya pa bigla nang bumababa ang tropa ng PDEA upang arestuhin ang suspek.

Kitang kita sa isang pang anggulo ng video ng lapitan nang mga taga PDEA at hablutin ang suspek upang padapain at saka pinusasan.

Kinilala ang suspek bilang si Menard Geraldo, 44-anyos at residente ng Taguig City kung saan P3.4-milyong halaga ng iligal na droga ang nasabat ng PDEA.

Nakuha mula sa suspek ang kalahating kilo ng shabu na nakalagay sa isang itim na supot.

Kalalaya lamang ni Geraldo sa kulungan noong Disyembre taong 2020 dahil din sa pagtutulak ng iligal na droga.

Ayon sa PDEA, lumawak ang kalakaran ni Geraldo matapos makatagpo ng mga Chinese national sa loob ng kulungan na mga drug dealer din.

Kaya nang makalaya ang suspek ay agad niyang kinontak ang mga kasamahan ng mga nakakulong na Chinese upang makapagtransaksyon ng malakihan.

Ngunit sa pagkakataong ito ay minalas siya dahil mga awtoridad pala ng PDEA ang kanyang kapalitan.

Umabot lang ng isang linggo para malambat ang suspek.

Nakatakdang sampahan ng pormal na kaso ang suspek sa Quezon City.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *