P120-B pondo ng DOTr para sa 2022, aprubado na sa Senado

P120-B pondo ng DOTr para sa 2022, aprubado na sa Senado

APRUBADO na ng Senado ang hinihinging pondo ng Department of Transportation (DOTr) para sa taong 2022.

Walang kahirap-hirap na inaprubahan at lumusot sa Senate Committee on Finance ang P120 bilyong pondo ng DOTr para sa mga ipagpapatuloy at mga gagawin nitong proyekto sa susunod na taon.

Bagama’t mas mababa ito ng P33 bilyon mula sa 2022 National Expenditure Program at P1.5 bilyong mas mababa rin sa General Appropriations Bill, ipinagpasalamat pa rin ito ng ahensiya.

Ayon mismo sa budget sponsor na si Senator Grace Poe, magiging prayoridad ng pondo ang pagsasaayos ng mga rail projects, airports, pantalan at maraming road projects.

Mahahati ang pondo ng DOTr sa iba’t ibang attached agencies nito para sa tuluy-tuloy na programa sa pagsasaayos sa sektor ng transportasyon sa bansa.

  • Office of the Secretary – P92.7 billion
  • Civil Aeronautics Board (CAB) – P216.2 million
  • Maritime Industry Authority (MARINA) – P909.2 million
  • Office of Transportation Cooperatives (OTC) – P33.1 million
  • Office for Transportation Security (OTS) – P312.8 million
  • Philippine Coast Guard (PCG) – P21.2 billion
  • Toll Regulatory Board (TRB) – P34 million
  • Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) – P2.4 billion
  • Light Rail Transit Authority (LRTA) – P1 billion
  • Philippine National Railways (PNR) – P1.2 billion.

Sa kabila ng bahagyang pagbabago sa mga pondo ng mga kinauukulang ahensiya, inaasahan ng Senado na mas mapapabuti pa ang transporation mode ng bansa mula sa iba’t ibang modernisasyon sa PUV, EDSA busway, tourist hubs at iba pang kahalintulad na mga proyekto.

Pinuri rin ng Senado ang kasalukuyang pamamayagpag ng Tsuper Iskola Program ng DOTr na pinangungunahan ni Transport Secretary Art Tugade.

Kasabay ng paniniwala na marami pa ang bubuksang malalaking proyekto sa bansa ilang buwan bago ang pagtatapos ng Duterte Administration.

“Secretary Tugade, he sacrificed his personal ambition for higher office to continue the Build, Build, Build program. I would like to congratulate Secretary Tugade for a job well done. Meron pang pitong buwan bago matapos ang administration ni President Duterte, he has all the time to be able to finish all these projects, many of which he will be delivering, I believe, before the transfer of the administration. Saludo po ako sa kaniya and I thank him for his service. Maraming salamat po,” pahayag ni Senator Migz Zubiri.

Ang pinakahuling proyekto ng DOTr ay ang nalalapit na operasyon ng seaport at airport sa General Santos City kung saan inanunsiyo mismo ni Tugade ngayong darating na Disyembre 9 ay magsisimula ang Philippine Airlines ng kanilang international operations to and from Kuala Lumpur in Malaysia via the GenSan-Kuala Lumpur-GenSan route.

“Matagal na panahon na ‘yung estado ng GenSan as an international airport ay nabinbin at nasuspinde. Ngayon, dahilan sa pagbabago na inintroduce natin sa termino ng ating mahal na Pangulo —announcement: December 9 of this year, the Philippine Airlines has formally signified to us that they will again start here their international operation, GenSan – Kuala Lumpur – Gensan,” pahayag ni Tugade.

BASAHIN: Duterte, ikinalugod ang nakumpletong airport at seaport projects sa GenSan

SMNI NEWS