P10.58M na proyektong pang-agrikultura, ipinagkaloob ng DAR sa Pangasinan

P10.58M na proyektong pang-agrikultura, ipinagkaloob ng DAR sa Pangasinan

NAGKALOOB ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng halos P10.58-M na proyektong pang-agrikultura sa probinsiya ng Pangasinan.

Patuloy ang pagsusumikap ng DAR na mabigyan ng disenteng pamumuhay ang mga kababayang magsasaka kung saan nagkaloob ito ng mga kagamitang pang-agrikultura sa probinsiya ng Pangasinan.

Tinatayang nasa halos PhP10.58-milyong halaga ng support services packages ang ibibigay sa mga agrarian reform beneficiaries habang ininspeksyon din ang PhP 86-milyong housing projects para sa mga magsasaka sa nasabing probinsiya.

Pinangunahan ni DAR Secretary Bernie Cruz ang pamamahagi ng iba’t ibang farm machineries at equipment na may kabuuang halaga ng PhP9.119-milyon at PhP1.458-milyon na mga farm inputs.

Ito ay ibibigay sa 610 ARB na kasapi ng 17 ARB organizations mula sa mga bayan ng Agno, Aguilar, Alaminos City, Balungao, Bani, Bautista, Bayambang, Dasol,  San Carlos, San Jacinto, Sison, Sta. Barbara, Umingan, Urbiztondo, at  Villasis.

Ayon kay Cruz bukod sa pamamahagi ng lupa at paghahatid ng hustisyang panlipunan, ang ahensiya ay mayroon ding mandato na magbigay ng suporta upang mapagbuti ang pamumuhay ng mga ARBs at ARBOs.

“Ang suportang interbensyon na ito ay patuloy nating isinasagawa upang palakasin ang kabuhayan ng mga ARBs, na magpapalaki ng kanilang kita mula sa bukirin,” pahayag ni Cruz.

Binigyang diin ni Cruz na ang mga magsasaka, bilang frontliner ng bansa sa pagbibigay ng sapat na pagkain ay nararapat na bigyan ng dignidad sa pamamagitan ng mga tulong mula sa pamahalaan.

Ang mga proyekto ay kinabibilangan ng limang unit ng 4-WD farm tractor, dalawang unit ng pick-up trucks, limang unit ng hand tractor, limang unit ng engine pump, dalawang unit ng motor na may kolong-kolong, 610 unit ng knapsack sprayer at mga farm inputs na binubuo ng daan-daang bag at sako ng  fertilizers, herbicides, insecticides at farm seeds.

Dumalo rin si dating DAR Secretary Bro. John Castriciones sa ceremonial turn-over upang saksihan ang tuwa ng mga ARBs na tumanggap ng proyekto na makapagpapayaman sa kanilang sakahan.

“Alagaan ninyo ang mga biyayang tinanggap ninyo mula sa pamahalaan. Ito ang inyong mga kasangkapan upang paunlarin ang mga lupang tinanggap ninyo mula sa ahensiya,” pahayag ni Castriciones.

Ang mga support service package ay ipinatupad sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPSP) at Linking Smallholder Farmers to Markets and Microfinance (LINKSFARMM) program.

Bago pa man ang pamamahagi ng mga proyekto na ginanap sa munisipyo ng San Manuel, ang grupo ng DAR ay bumisita rin sa barangay Carayungan Sur, sa bayan ng Umingan upang inspeksyunin ang 26,111 metro kwadradong lupa para sa housing program sa mga ARBs.

Tinatawag na Balai Farmers and Farmworkers Housing program, ang site na ito ay may target na 184 housing unit.

Bawat yunit ay nagkakahalaga ng P300,000 na may lot area na 75 square meters at maaaring bayaran sa loob ng 30 taon.

Ang proyektong ito ay isinakatuparan katuwang ang Department of Human Settlement and Urban Development, National Home Mortgage Finance Corporation, Bella Vita at ang lokal na pamahalaan ng Umingan.

BASAHIN: DAR, nagsagawa ng survey activity sa mga governmemt owned land sa Northern Mindanao

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *