Oxygen command center, itatayo ng pamahalaan sa buong bansa

Oxygen command center, itatayo ng pamahalaan sa buong bansa

MAGTATAYO ang pamahalaan sa buong bansa ng mga command center na titiyak sa tuloy-tuloy na suplay ng medical oxygen sa gitna ng pandemya.

Ito ang planong sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kay Pangulong Rodrigo Duterte kagabi sa isang televised meeting kasama ang mga opisyal ng gabinete.

“Para tugunan ang pangangailangan sa medical oxygen, magtatalaga tayo ng One Oxygen Command Center sa iba’t ibang rehiyon,” ani Lorenzana.

Ani Lorenzana may naitayo ng oxygen command center Region 9 o sa Zamboanga Peninsula.

Magpapatupad rin aniya ng “green lanes” sa lahat ng mga pantalan para masiguro ang mabilis na delivery ng mga oxygen supply.

Titiyakin din ng pamahalaan na hindi mawawalan ng suplay ng kuryente ang mga plantang gumagawa ng medical oxygen.

Matatandaang kalagitnaan ng Setyembre ngayong taon, nakaranas ng mababang suplay ng medical oxygen ang ilang lugar sa Mindano dahil sa pagdami ng COVID-19 cases.

Sa ulat ng Department of Health kamakailan, bumaba na ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region at sa iba pang kalapit na rehiyon nitong mga nakaraang araw.

Ngunit anila nananatiling mataas ang COVID-19 cases sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, and Cagayan Valley.

Tumataas rin ang bilang ng mga kaso sa Zamboanga Peninsula, Bicol Region, at Mimaropa.

Sa kasalukuyan, mayroon ng One Hospital Command Center ang bansa na nagsisilbing referral center para sa mga medical facility.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *