OCTA group, nanawagan ng pagkakaisa upang tuluyang masugpo ang COVID-19

OCTA group, nanawagan ng pagkakaisa upang tuluyang masugpo ang COVID-19

IGINIIT ng OCTA Research Group na mahalaga pa rin ang pag-iingat sa kabila ng pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon sa grupo na huwag magpakakampante at dapat palakasin pa ang tuloy-tuloy na pag-testing, contact tracing at isolation program ng pamahalaan.

Patuloy na gumaganda ang COVID-19 trend sa Pilipinas kung saan ang seven-day average ng buong bansa ay nasa 1,600 na lamang habang ang reproduction number ay .37 na lang.

Pero sa kabila nito ay iginiit ni Prof. Ranjit Rye ng OCTA Research group na mahalaga pa rin ang tuloy tuloy na testing, contact-tracing at isolation programs.

Umapela rin ang grupo sa gobyerno na panatilihin ang pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa mga contact tracers.

Paliwanag ni Rye na mahalaga ang papel ng mga contact tracers sa layuning matukoy agad kung sinu-sino ang mga nahawaan ng virus upang agad silang ma-isolate at hindi na makapanghawa pa ng iba.

“Pero tuluy-tuloy pa rin ho siyempre iyong pag-testing, tracing at saka isolation programs ng local government. Sana ho iyong national government, ituloy-tuloy po iyong budget ng DOLE at saka ng DILG para sa contact tracing kasi kung wala iyan po, hindi natin masu-sustain itong mga trends natin; kailangan tuluy-tuloy ho ang budget diyan,” pahayag ni Rye.

Nanawagan din ang grupo sa pribadong sektor lalo na ng mga restaurant at malls na itaas ang kooperasyon sa pagpapatupad sa minimum public health standards.

“Kailangan ho rin iyong private sector ho, grabe ho dapat ang kooperasyon ng private sector; itaas nila dapat iyong antas ng kooperasyon lalo na sa pag-monitor at pag-enforce ng minimum public health standards sa mga private establishments kagaya ng restaurants at malls. Kailangan ho talaga lahat tayo magtulungan; kailangan ho tayo lahat mag-ingat; kailangan ho tayo, iwasan ho natin iyong overconfidence, dapat po vigilant pa rin tayo kasi nandito pa rin ho ang COVID,” ayon ni Rye.

Payo pa nito, dahil papalapit na ang Christmas season ay iwasan muna ang mass gathering, hangga’t maaari ay pami-pamilya muna ang magtipon-tipon at ugaliing magsuot ng face mask.

Kung magtutuloy ang magandang trend ng COVID-19 situation, inihayag ng OCTA group na makakayanan ng National Capital Region na mas maluwagan pa ang restriksyon sa Alert Level 1 pagdating ng Disyembre.

BASAHIN: Pagsasailalim sa NCR sa Alert Level 1 sa Disyembre, posible – DOH

Importante ang kooperasyon at tulungan ng bawat isa dahil kung magpapabaya ang lahat at muling sumipa ang kaso ay walang imposible na maghigpit muli ng mga restrictions.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *