NBI, nakikipag-ugnayan na sa bangko at food app sa credit card hacking ni Sen. Gatchalian

NBI, nakikipag-ugnayan na sa bangko at food app sa credit card hacking ni Sen. Gatchalian

NAKIKIPAG-ugnayan na sa ngayon ang National Bureau of Investigation sa bangko at sa food delivery service na may kinalaman sa hacking incident ng credit card ni Sen. Sherwin Gatchalian.

Ito ang inihayag ni NBI Cybercrime Chief Vic Lorenzo sa panayam ng SMNI News.

“May mga coordination na kami katulad doon sa bangko tapos do’n sa food delivery service. Meron na kaming mga coordination. By tomorrow, makukuha na namin ‘yong mga details,” ayon kay Lorenzo.

Ani Lorenzo, sa Biyernes, magkakaroon na sila ng specific investigative plan at theory kung ano ang nangyari sa account ni Sen. Gatchalian.

Dagdag pa ni Lorenzo, marami na rin mga naiulat sa NBI na katulad ng nangyaring panghahack sa credit card ni Sen. Gatchalian.

Tiniyak ng NBI na mahuhuli nila ang mga hacker na ito dahil hindi ito tumitigil hangga’t hindi naaresto.

Samantala, nanawagan naman si Sen. Sherwin Gatchalian sa mga bangko na dapat mas paigtingin pa ng mga ito ang pagbibigay seguridad sa mga credit card holder.

Ito ay matapos ma-hack ang isa sa mga credit card ni Sen. Gatchalian sa pamamagitan ng pag-purchase ng pagkain sa food panda na nagkakahalaga ng isang milyong piso.

“Dapat ho talagang mas agresibo ‘yong mga pagbibigay proteksyon, agresibo po ‘yong protocol, kung baka i-level po ng mga bangko ‘yong kanilang mga protocols, dahil ‘yong mga bangko may mga protocols ‘yan eh,” ayon kay Gatchalian.

Sa ngayon, patuloy pang iniimbesitgahan ng NBI ang nasabing insidente ng credit card hacking.

Ayon kay Sen. Gatchalian, noong Enero 5 nangyari ang nasabing pang-hahack.

Sa kabila nito, kinansela naman ng bangko ang nasabing card at hindi pinagbayad si Sen. Gatchalian sa nasabing order.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *