Department of Health ashfall
National

Naospital dahil sa ashfall, anim na – Department of Health

ANIM na ang naitala ng Department of Health (DOH) na naospital dahil sa ashfall ng Bulkang Taal.

Sa panayam ng SMNI News kay Health Secretary Francisco Duque, sinabi nito na ang mga nasabing pasyente ay dinala sa ospital ng Tagaytay City.

Wala naman aniyang naiulat na nasawi bunsod ng ashfall.

“Wala naman namatay pero mayroon tayong anim na pasyenteng na naospital… Sa ospital ng Tagaytay dahil nga sa matinding exposure sa ash fall, sa makapal na abo at sila naman ay sa ngayon pinangangasiwaan ang kanilang sakit o karamdaman at doon naman sa mga ibang ospital as of yesterday wala naman kaming report na any new admission,” pahayag ni Sec. Duque III.

Tiniyak naman ng kalihim na tuloy-tuloy ang kanilang paglalabas ng health advisory lalo na sa mga lugar na apektado ng ash fall para makapagbigay ng tamang impormasyon.

DOH, patuloy ang monitoring sa mga apektadong evacuees sa ashfall

Kasabay nito, patuloy ang isinasagawang monitoring ng Department of Health o DOH sa lagay ng kalusugan ng mga evacuees na apektado ng ashfall dulot ng pagsabog ng Bulkang Taal noong linggo.

Tiniyak ni Duque na nakatutok ang kanilang ahensya at may mga nakahanda na rin silang mga gamot para sa mga apektadong residente na nananatili ngayon sa 61 evacuation centers.

“Well, nakatutok ang Department of Health, ang Region IV-A Calabarzon, may mga surveillance officers tayo para bantayan ang anumang mga sakit na ikinokonsulta ng mga kababayan natin na nasalanta at nandoroon ngayon sa mga 61 evacuation centers no. May mga prepositioned tayong mga gamot laban sa ubo, sa mga lagnat, sakit sa tiyan, sa altapresyon, at mga iba pang symptomatic, ano, na mga gamutan at mga interventions. At ang binibigyan natin ngayon ng pansin ay ang sanitation. Dahil yung hygiene, alam mo yung pagdudumi, dyan sa mga evacuation center, yan ang malaking hamon,” pahayag pa ni Sec. Duque.

Maliban sa usapin ng sanitation sa evacuation centers ay nagpulong na rin aniya ang ilang mga opisyal upang pag-usapan ang mga best practices at mga matagumpay na hakbang na naisagawa noong pumutok ang Bulkang Mayon.

Kinausap na rin aniya ni Duque ang Dept. of Trade and Industry kaugnay sa mga mapagsamantalang negosyante na nagpapatupad sa overpricing ng face mask kung saan maari silang masampahan ng kaukulang kaso kaugnay dito.

“Alam nang nahihirapan ang taong bayan, tapos ganun pa ang kanilang gawain, ay hindi naman ito katanggap-tanggap. Kaya pwedeng kasuhan sila. I-revoke ang kanilang mga lisensya for overpricing without prejudice to filing the appropriate administrative and criminal case,” ani pa ni Sec. Duque.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *