Most wanted NPA leader na si Ka Oris, patay sa operasyon ng militar

Most wanted NPA leader na si Ka Oris, patay sa operasyon ng militar

PATAY sa engkwentro sa Bukidnon ang most wanted NPA leader sa bansa na si George Ka Oris Madlos.

Ayon sa AFP, itinuturing na isang katagumpayan ito sa hanay ng militar matapos mapatay ang isa sa pinakamataas na opisyal ng New People’s Army sa bansa.

Nasawi sa ikinasang internal security operations ng 403rd infantry brigade sa pangunguna ni BGen. Ferdinand Barandon ng Armed Forces of the Philippines.

Ayon sa militar, ikinasa nila ang operasyon matapos na makatanggap ng impormasyon na may armadong grupo na nagsasagawa ng “teach-ins” at “indoctrination”sa kanilang komunidad.

Agad na ginamitan ng Air asset ang operasyon para sa mabilis na neutralization sa mga kalaban.

‘’Gumamit tayo ng eroplano…eventually napatay natin siya,’’ayon kay BGen. Barandon.

Batay sa ulat ng 4th Infantry Division ng Philippine Army, nangyari ang engkwentro sa bulubunduking bahagi ng Sitio Gabunan Barangay Dumalaguing, Impasugong at umabot sa halos kalahating oras ang engkwentro kung saan natagpuang patay si “Ka Oris” at isa pang kasama nitong rebelde.

Narekober sa lugar ang isang M14 rifle, isang Kg9 rifle, mga bala at iba pang war material at iba’t-ibang gamit.

Ayon sa AFP, maituturing na katagumpayan ito ng militar dahil isa si Ka Oris sa nagtataglay ng pinakamataas na posisyon sa NPA sa bansa.

Hawak ni Ka Oris ang National Operational Command.

Matapos nito, tiniyak ng Philippine Army na lalo pa nitong paiigtingin ang kanilang operasyon sa mga natitira pang miyembro ng NPA sa Caraga region kasabay ng pangako na walang madadamay na buhay ng mga inosenteng sibilyan.

Sa ngayon, upang matiyak ang pagkakakilanlan ng bangkay ni Ka Oris, sasailalim pa rin ito sa proseso ng physical identity, pagkuha ng dental records at DNA test na gagawin ng PNP Soco para sa DNA samples.

Samantala, batay sa datos ng Philippine Army, nasa 300 nalang na miyembro ng NPA ang namamalagi sa Caraga region at kasabay ng kanilang mga isinasagawang operasyon, patuloy din ang kanilang pakiusap sa mga ito na magsipagsuko na sa gobyerno.

SMNI NEWS