coronavirus
Health

Misteryosong sakit mula China, posibilidad na panibagong uri ng coronavirus

POSIBLENG panibagong uri ng coronavirus ang misteryosong pneumonia na tumama sa Wuhan City sa China ayon sa World Health Organization (WHO).

Kinumpirma ng WHO na kahalintulad ng nakamamatay na Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) at Middle East Respiratory Syndrome (MERS) na tumama noon sa China at iba pang lugar sa mundo ang bagong uri ng virus.

Samantala, ipinasara naman ang sinasabing pinagmulan ng sakit na isang pamilihan ng seafood na nagbebenta rin ng live exotic animals.

Hindi pa rin matukoy kung paano ito naipasa sa tao.

Sa ngayon ay kailangan pa rin ng comprehensibong pag-aaral upang matukoy ang eksaktong uri ng coronavirus na nagdulot ng sakit.

Sa huling update ng Wuhan Municipal Health Authority, mayroong 59 na kaso ng misteryosong pneumonia, 7 dito ay nasa kritikal na kondisyon.

Samantala, nitong Martes lamang ay pinaigting ng Department of Health (DOH) ang pagbabantay sa mga biyaherong papasok mula sa China matapos mapaulat ang mga kaso ng misteryosong pneumonia sa Wuhan City.

Inatasan ng DOH ang Bureau of Quarantine (BOQ) na paghigpitan ang surveillance sa lahat ng seaports at airports sa bansa.

Ayon kay DOH Undersecretary Eric Domingo, mayroon nang naitalang 44 katao ang naapektuhan ng naturang sakit at 11 rito ay kritikal.

Hinimok din ni Usec. Domingo ang mga nanggaling sa China na agad kumonsulta sa doctor kung makararanas ng mga sintomas ng nasabing sakit.

Patuloy naman na pinag-iingat ang publiko sa banta ng nasabing pneumonia.

Samantala, nakikipagtulungan na rin ang DOH sa China at World Health Organization (WHO) kaugnay sa nasabing sakit.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *