Mga pamilya ng tatlong pinaslang ng NPA sa Masbate, humingi ng hustisya

Mga pamilya ng tatlong pinaslang ng NPA sa Masbate, humingi ng hustisya

HUMINGI ng hustisya ang pamilya ng tatlong pinaslang ng New People’s Army (NPA) sa probinsiya ng Masbate.

Naglalako ang mga biktima ng mga gamit sa bahay nang tinangay ang mga ito ng mga hinihinalang miyembro ng NPA.

At kalaunan ay natagpuang patay ang mga biktima sa magkakahiwalay na lugar sa bayan ng Palanas, Masbate City.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News sa mga pamilya ng tatlong pinaslang ng mga hinihinalang rebelde sa Barangay Miabas, hustisya ang hiling ng mga ito sa pamahalaan.

Masakit anila nang malaman na wala na ang kanilang mga padre de pamilya habang maayos sanang naghahanapbuhay para sa kanilang mga anak.

Kinilala ang mga biktima na sina Jose Lalaguna, 51-anyos ng Brgy. Tugbo, Masbate City, Jestoni Lalaguna, 22-anyos ng Brgy. Asid, at si Joey Lalaguna, 30-anyos.

Batay sa impormasyon, dinukot, at pinatay ang tatlo nang walang kalaban-laban.

Sa kwento ng asawa ni Jose Lalaguna na si Helen Lalaguna, nakaranas ng torture ang kanilang mga asawa mula sa kamay ng 30 mga hinihinalang miyembro ng CPP-NPA-NDF sa lugar.

Aniya, tinalian, binugbog, bago pinagbabaril ang mga biktima at ngayon ay nanawagan sila ng hustisya.

‘’Sana may hustisya marami na silang pinapapatay,’’ayon kay Helen asawa ni Jose Lalaguna.

Si Mae Nuevo, asawa ni Jestoni na isa rin sa mga napaslang ng NPA, halos hindi mapigil ang iyak dahil sa hinagpis matapos silang iwanang mag-iina.

Ngayon hindi alam kung ano ang gagawin dahil sa kawalan ng hanapbuhay.

‘’Nanigurado lang po ung tao sa kinabukasan namin… diko na po alam anong magiging pagsubok sa ‘kin,’’ayon kay Mae asawa ni Jestoni.

Habang si Marjorie, labis ang lungkot na nararamdaman matapos na sirain ng mga rebelde ang kanilang pamilya nang walang kalaban-laban na namumuhay nang tahimik.

‘’Dapat pinuntahan muna nila dito hindi ako papayag na hindi mabigyan ng hustisya pagkamatay niya,’’ayon naman ni Marjorie asawa ni Joey.

Ayon sa Masbate Provincial Police, lumitaw sa pagsisiyasat na sapilitang kinaladkad ng mga armadong lalaki ang tatlong biktima na naglalako lamang ng iba’t ibang uri ng gamit sa bahay.

Ang mga biktima ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan nito na maaaring naging sanhi na kanilang agarang pagkamatay.

Panawagan ng mga kaanak ng biktima, papanagutin ang mga rebelde kasabay ng hangad na matapos na ang pang-aabuso ng mga NPA sa kanilang lugar dahil anila sa dami na ng mga nabibiktimang mga inosenteng sibilyan mula sa kamay ng mga komunistang teroristang grupo ng CPP-NPA-NDF.

Samantala, inilibing na ngayong hapon ang mga biktima.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *