presyo ng mask
National

Mga negosyante na nanamantala sa pagtataas ng presyo ng mask, binalaan

NAGBABALA ang Department of Trade and Industry o DTI sa mga negosyante na magsasamantala para taasan ang presyo ng mga mask.

Ayon sa DTI, mahaharap sa kasong administratibo at kriminal ang mga magtataas ng presyo ng mga mask.

Ito ay dahil maraming botika at tindahan sa ngayon ang naubusan na ng suplay ng mask bunsod ng pagbuga ng pagputok ng Bulkang Taal.

Una ng inirekomenda ng Department of Health ang pasusuot ng N95 grade mask  dahilang nafi-filter nito nang maayos ang mga pinong butil.

Pero ayon sa DOH, kung walang N95 mask, maaari naman daw gamitin ang surgical masks, dust masks o mamasa-masang panyo bilang alternatibo

Mariing pinaalalahanan at binalaan din ng Department of Justice ang mga negosyante na maaari silang makasuhan sa korte o managot sa batas kapag nagsamantala sa sitwasyon o sa pagkalat ng ash fall sanhi ng pagputok ng Taal Volcano.

Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kakasuhan nila sa korte ang mga tindahan na magbebenta ng overpriced na N-95 face mask na dating P30 pero ngayon ay may ilang mga nagbebenta sa halagang P200.

Ipinaliwanag ni Guevarra na nakahanda ang DOJ na imbestigahan ang sinasabing overpricing kapag pormal na maghain ng reklamo at hihingi ng tulong ang Department of Trade and Industry.

Nilinaw naman ni Guevarra na sa kasalukuyan ay ipapaubaya muna ng DOJ sa mga field investigators ng DTI ang pag-iimbestiga sa napaulat na reklamo ng mga mamimili.

Sa ganitong sitwasyon anya ay mas mainam na magkaisa at magtulungan ang publiko para makabangon agad sa sakuna dulot ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *