Mga nagpapakalat ng fake news sa panahon ng kalamidad, kinondena ng isang senador

Mga nagpapakalat ng fake news sa panahon ng kalamidad, kinondena ng isang senador

KINONDENA ni Senator Bong Go ang mga indibidwal o grupo na nagpapakalat ng maling impormasyon o fake news sa gitna ng kalamidad.

Nagbunsod ito sa hindi maiwasang bangayan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo lalo na sa usapin ng pagtulong sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses.

Giit ng senador, may ginawa ang pangulo sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa.

Sa isang panayam naman kay Vice President Leni Robredo, nanindigan ito na posibleng may nagsumbong ng maling impormasyon kay Pangulong Duterte kaya ito napikon at maglabas ng matataas na salita laban sa kaniya.

Ayon sa pangalawang pangulo, hindi sa kaniya galing ang paghahanap sa pangulo sa kasagsagan ng bagyo.

Matatandaang, nag-trending sa social media ang #NasaanAngPangulo nang magkaroon ng pagbaha sa Metro Manila maging ang ilang parte ng Cagayan at Isabela nang manalasa ang bagyong Ulysses.

Ayon kay Robredo, agad nitong tinawagan ang opisina ni Presidential Legal Counsel Atty.  Salvador Panelo para ipaliwanag na wala siyang kinalaman sa nasabing paratang.

Tinawagan din nitong pansin ang sinuman na nagpapakalat ng maling impormasyon kaya’t nagdulot ng galit sa president.

“I just called out Sec. Panelo for peddling fake news. I am also calling out whoever peddled the fake news to the President, kaya ganito siya ka pikon. I never said “Where is the President”? You can review all my tweets,” pagtutuwid ni Robredo.

Sa panayam kay Senator Go, sinabi nitong hindi napapanahon na magpakalat ng fake news para siraan ang isa’t Isa bagkus mas mainam aniya na tumulong nalang ang nais na magbahagi ng ayuda sa mga biktima ng kalamidad.

Kasabay nito, ay iginiit ng senador na walang katotohanan ang ikinakalat na walang ginagawa ang pangulo.

Galit din ang mambabatas na patuloy na sinisiraan si Pangulong Duterte.

Matatandaang, galit na humarap sa publiko si Pangulong Rodrigo Duterte gabi ng Martes sa pag-trending ng #NasaanAngPangulo sa kasagsagan ng pagbaha dahil sa Bagyong Ulysses.

Ibinunton ni Duterte ang galit kay Bise Presidente Leni Robredo na inakusahan niyang nagpakalat ng maling impormasyon na missing-in-action siya noong may bagyo.

Mabilis namang pinabulaanan ni VP Leni ang nasabing akusasyon.

Samantala, ipinauubaya nalang muna sa kamay ni Pangulong Duterte ang pasya kung tugon ba ito sa mungkahing magbuo ng Fact Finding Committee para imbestigahan ang umanoy pagkukulang ng pamahalaan sa pagbibigay impormasyon, babala at relief efforts habang nanalasa ang Bagyong Ulysses sa bansa.

Para sa senador, hindi ito napapanahon dahil mas kailangan ngayon ang matulungan ang mga biktima ng kalamidad.

Nauna nang sinabi sa isang panayam kay former House Speaker Alan Peter Cayetano, iminungkahi nito ang pagbuo ng Fact Finding Committee mula sa opisina ni Pangulong Duterte para matigil lang ang alegasyon sa diumanoy kapabayaan ng pamahalaan sa pagtugon sa mga nagdaang kalamidad.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *