Mga nabakunahan ng Sputnik V, walang naitalang seryosong adverse effect

Mga nabakunahan ng Sputnik V, walang naitalang seryosong adverse effect

INIULAT ng Department of Health (DOH) na mayroon silang naitalang 2,634 na nabakunahan gamit ang bakunang Sputnik V ng Gamaleya Institute mula Russia nitong Martes.

Sinabi ni Health Undersecretary at National COVID-19 Vaccination Operations Center Chairperson Dr. Myrna Cabotaje, nagmula sa Parañaque City ang karamihan sa bilang ng nabakunahan ng Sputnik V na nasa 2,000.

Nitong Martes, bukod sa Parañaque, inumpisahan na rin ang pagbabakuna gamit ang Sputnik V vaccines sa Maynila at Makati.

Vaccination rollout ng Sputnik V, sinimulan na ngayong araw sa Muntinlupa LGU

Ngayong araw naman sinimulan ang Gamaleya vaccination sa mga lungsod ng Taguig at Muntinlupa.

Nitong umaga, nagkaroon na ng ceremonial roll-out ng Sputnik V ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa para sa senior citizens, persons with comorbidities, at iba pang frontline workers mula sa A4 priority group.

Ginanap ang nasabing ceremonial roll-out sa ospital ng Muntinlupa at Asian Hospital and Medical Center (AHMC).

Nasa 250 na mga miyembro ng kategoryang A2 (senior citizens) at A3 (persons with comorbidities) ang nakatanggap ng paunang dosis ng Sputnik V sa OsMun.

Habang 130 na mga indibidwal naman mula sa A2, A3, at A4 (frontline personnel in essential sectors) priority groups ang nabakunahan sa Asian Hospital.

Mababatid na 15,000 dosis ng Sputnik V ang dumating sa bansa noong Mayo 1.

Inihayag naman ng DOH official na wala pa silang natanggap na report na seryosong adverse effect sa mga naturukan ng Sputnik V.

Napiling ipamahagi ang inisyal na 15,000 trial-order doses ng Russia-made Sputnik V vaccine sa limang syudad sa Metro Manila gaya ng Makati, Taguig, Muntinlupa, Manila at Parañaque.

Sabi ni Usec. Cabotaje, ito ay dahil mayroon cold storage facilities ang mga nabanggit ng lungsod na kinakailangan sa naturang brand ng bakuna.

Samantala, iniulat ng DOH na nasa dalawang milyon na ang kabuuang naturukan ng COVID-19 vaccine sa buong bansa gamit ang lahat ng dosis.

(BASAHIN: Rollout ng Sputnik V, umarangkada na sa 4 na lungsod sa Metro Manila)

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *