Mga lingkod bayan, pinaalalahanan sa parusang ipataw sa hindi pagsunod sa ethical standards

Mga lingkod bayan, pinaalalahanan sa parusang ipataw sa hindi pagsunod sa ethical standards

NAGPAALALA ang isang senador na ang lahat ng public servant o lingkod bayan ay dapat sumunod sa lahat ng ethical standards.

Kasong administratibo at pagdidisiplina ang ipapataw sa mga lingkod bayan na hindi sumusunod sa ethical standards na itinakda ng gobyerno.

Ito ang paalala ni Senador Win Gatchalian matapos ang isang insidente sa budget deliberations ng senado na kung saan ay isang opisyal mula sa APO production unit ang diumano’y nakitang umiinom ng alak habang dumadalo ng zoom session noong nakaraang Lunes November 23.

Ang APO unit production ay nasa ilalim ng pamamahala ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Ayon kay Gatchalian, mahigpit ang tagubilin ng civil service commission sa pagbabawal sa pag-inom ng mga empleyado ng gobyerno sa opisina.

Dagdag pa nito na ang pagiging propesyonal ay isa sa walong pamantayan ng pag-uugali na dapat ipinapamalas ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno at ito aniya ay nakasaad sa section 4 (A) ng Republic Act 6713 o ang Code of conduct and ethical standards for public officials and employees.

Ayon sa senador suspensyon o pagkakatanggal sa sebisyo ang maaaring kaparusahan sa mga lumalabag sa ethical standards ng pamahalaan.

“Ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno ay inaasahang tuparin ang kanilang tungkulin ng may pinakamataas na antas ng kahusayan, pagiging propesyonal, kaalaman, at kasanayan. Sila ay inaasahang manilbihan nang may lubos na debosyon at dedikasyon sa kanilang tungkulin. Dapat din na hindi nila sinasayang ang oras sa trabaho at natutugunan nila ang kanilang mga tungkulin na kailangan nilang tapusin,”ayon kay Senator Gatchalian.

Kasunod naman ng insidente ay nagpalabas na si PCOO Secretary Martin Andanar ng show cause order laban sa sales and marketing manager ng APO production unit na si Dominic Tajon.

Ayon kay Andanar, hindi nito palalampasin ang naging insidente lalo pa’t kung lalabas sa kanilang imbestigasyon na talagang uminom ito ng alak sa sesyon gaya ng inireport ng Senate Sgt. of arms sa mga senador.

Una namang nagbigay ng kaniyang panig si Tajon at itinanggi na alak ang iniinom nito kungdi soda.

Bukod sa umano’y pag-inom ng alak, naging issue din sa mga senador ang paalis-alis ng APO official sa kanyang puwesto habang ginagawa ang zoom session.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *