Mga establisimyento sa Quezon City, obligadong ipatupad ang ‘KyusiPass’ bago ang Agosto 15

Mga establisimyento sa Quezon City, obligadong ipatupad ang ‘KyusiPass’ bago ang Agosto 15

SA gitna ng mga naiulat na kaso ng mas nakakahawa at transmissible na variant ng Delta COVID-19 sa bansa, ipinatupad ng Quezon City LGU ang pagkakaroon ng “KyusiPass” sa mga establisimyento.

Inaprubahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang isang ordinansa na layong magpapalakas sa tracing efforts ng lungsod sa pamamagitan ng  pagpapatupad ng  contact tracing app na “KyusiPas”.

Ito ay dahil sa pagsuway ng ilang mga business establishments na hindi maayos na ginagamit ang KyusiPass.

Matatandaan, isinara kamakailan ng lungsod ang ilang resto bars at KTV dahil sa paglabag sa mga protocol ng IATF, city government guidelines at hindi paggamit ng contact tracing app.

Ayon kay Belmonte ang mga bar na iyon ay may KyusiPass sa kanilang mga entrance subalit ginawang lamang display, sinuri nito ang mga kustomer sa pamamagitan ng contact tracing app subalit empty ang data base nito.

Dagdag ni Belmonte, sa mabilis na pagpasa ng ordinansang ito, maaari nang gumawa ng random checking sa iba`t ibang mga establisimyento at matukoy kung ginagamit ng maayos ang nasabing app.

Sa City Ordinance No. PO21CC-456, ipinagbigay alam ni Majority Floor Leader Franz Pumaren, inoobliga nito ang mga establisimyento na ihanda ang kanilang QR Codes para sa buong pagpapatupad ng “KyusiPass” contact tracing app na hindi lalampas sa Agosto 15, 2021.

Sinabi pa ni Belmonte na isa ito sa nakikitang susi upang mapigilan ang pagkalat ng Delta variant sa buong bansa at ang pinatinding contact tracing na makamit sa tulong ng Kyusi Pass.

Ang mga negosyo na hindi tumalima ay parurusahan alinsunod sa Section 6 ng Ordinance No. 3019, S-2021.

Para sa unang paglabag, magpapataw ng multa na P3,000 at suspensyon ng prangkisa o permiso sa negosyo hangga’t hindi nalulutas ang paglabag.

Pagmumultahin ng P5,000 pesos ang bawat establisimyento na mahuhuling lumalabag at suspensyon ng kanilang prangkisa o business permit.

Bukod sa P5,000 na multa ay maaari ring ipasara ang isang establisimyento para sa pangatlong  paglabag nito.

Ipinatupad ng Quezon City ang KyusiPass, isang contact tracing app na pinalakas ng SafePass, upang magbigay ng contactless at mas mahusay na contact tracing, alinsunod ito sa DILG Memorandum Circular No. 2020-007 at IATF Resolution No. 42 Series of 2020.

Sa ilalim ng nasabing ordinansa, ang mga may-ari ng isang establisimyento, dapat na ma-secure ang QR Code mula  sa Business Permits at Licensing Department.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *