MECQ, iminungkahing palawigin sa katapusan ng Mayo dahil sa Indian variant

MECQ, iminungkahing palawigin sa katapusan ng Mayo dahil sa Indian variant

IMINUMUNGKAHI ni Sen. Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na palawigin pa ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa NCR+ kasunod ng pagkakatala ng kaso ng Indian variant sa bansa.

Ani Gatchalian, noong una ay suportado nito ang pagluwag ng quarantine classification para sa ekonomiya ngunit nagbago ito nang madiskubre ang pagpasok ng bagong variant ng COVID-19 sa bansa.

Sa ngayon aniya, naniniwala siyang mas makabubuti kung i-extend ang MECQ hanggang hindi siguradong kontrolado na ang pagkalat ng bagong variant.

Ayon sa senador mahalagang tutukan ito upang mapigilan maulit ang naranasang surge noong Pebrero hanggang Marso kung saan ang tinuturong dahilan ay ang mga mas nakahahawang variant ng COVID-19.

Naniniwala aniya siya na dapat munang pigilan ang gatherings at dine-in services sa ngayon dahil sa mga bagong variants.

Kahapon nang iniulat ng Department of Health (DOH) ang pagkakadiskubre ng Indian variant mula sa specimen ng 2 umuwing overseas Filipino workers (OFWs).

Duque, inihayag na walang transmission ng India variant bago natukoy sa 2 OFWs

Samantala, inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi nagkaroon ng transmission ng India variant bago ito natukoy sa dalawang OFWs dahil sa istriktong pagpapatupad ng border protocols.

Ani Duque, imposible na nakahawa ang mga ito ng iba nang hindi nalalaman ng awtoridad.

Sa ngayon, inirerekomenda nito ang mas istrikto pang border protocol para sa mga pasahero mula Middle East dahil na rin sa rekomendasyon ng World Health Organization representative sa Pilipinas.

Bukod pa riyan, hihingi na rin ng payo mula sa WHO si Duque kung palalawigin pa ang travel ban sa mga bansa kung saan natukoy ang India variant.

(BASAHIN: MECQ sa NCR Plus, pinalawig pa hanggang Mayo 15)

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *