Mayor ng Baggao, pinagpapaliwanag sa paglabag nito sa Anti-COVID protocols

Mayor ng Baggao, pinagpapaliwanag sa paglabag nito sa Anti-COVID protocols

PINAGPAPALIWANAG ngayon ni Gov. Manuel Mamba si Baggao Mayor Joan Dunuan sa tahasang paglabag nito sa Omnibus guidelines on the Implementation of Community Quarantine na nilatag ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19 virus.

 

Naging viral sa social media ang kuha ng mga larawan at video kung saan sumasayaw si Mayor Dunuan na walang suot na facemask sa pinayagang pagtitipon na nagpapakita ng lantarang hindi pagsunod sa ipinatutupad na Anti-COVID-19 protocols.

Batay sa Memorandum Order 075 na inilabas ni Cagayan Governor Manuel Mamba, binibigyan nito ng 48-oras  si Mayor Dunuan upang ipaliwanag ang mga kumakalat na video at larawan sa social media kung saan makikita itong sumasayaw na walang suot na face mask nang dumalo ito sa isang social gathering sa kanilang bayan.

Kailangan ding ipaliwanag ni Dunuan kung bakit pinapayagan nito ang pagsagawa ng mga social gathering na hindi nasusunod ang health protocols at isa pa ito sa naging pasimuno.

Gayong bilang Alkalde ng bayan ay dapat ito ang unang nagpapatupad ng mahigpit na pagbabawal sa social gathering ngayong nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine status ang lalawigan ng Cagayan kabilang na ang bayan ng Baggao dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.

Pagdidiin pa ni Mamba, inaasahan niya na bilang mga Public Officers ay sila ang magiging ehemplo upang mapasunod ang kanilang mga nasasakupan ngunit paano nila ito mapasusunod kung sila mismo ay hindi nakasusunod sa health at safety protocol kontra COVID-19.

Ang bayan ng Baggao ay pumapangalawa ngayon sa Tuguegarao na may pinakamaraming aktibong kaso ng COVID-19 kung saan nasa 173 active cases ang naitala noong ika-28 ng Mayo.

(BASAHIN: Tuguegarao City Mayor Soriano, kinumpirma na balik ECQ ang lungsod)

SMNI NEWS