Mayor Isko Moreno, tatakbo sa pagkapangulo sa 2022 elections

Mayor Isko Moreno, tatakbo sa pagkapangulo sa 2022 elections

ISA na rin sa tatakbo sa pagkapangulo ng bansa sa eleksyon sa 2022 si Manila Mayor Francisco ‘ Isko Moreno’ Domagoso.

Ito ay unang kinumpira ng Manila Public Information Office nitong Martes.

Sinabi rin ni Domagoso sa lahat ng department heads ng Manila City government ang desisyon nitong pagtakbo sa susunod na taon.

Sa kabila ng kanyang anunsyo, ay sinabi nito na mananatiling ordinaryo ang kanya araw kung saan patuloy ang kanyang pagsisilbi sa mga tao, pagtatrabaho at pagganap ng kanyang responsibilidad bilang alkalde ng Maynila.

Matatandaan sunud-sunod ang naging pasaring ni Domagoso laban sa ilang ginagawang hakbang ng gobyerno kaugnay ng COVID-19 response gaya ng pagkontra sa polisiya sa pagsusuot ng face shield, usapin ng pagbili gamot at iba pang isyu na may kinalaman sa pandemya.

Sinagot na rin ng Malakanyang ang alkalde sa mga patama nito kontra sa pamahalaan.

Inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na pulitika ang dahilan ng mga banat ng mga kritiko ng gobyerno lalo na sa usapin sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Mababatid na sumikat ang Manila City Mayor na si Moreno bilang artista, bago tinahak ang larangan ng pulitika.

Magiging running mate naman ni Domagoso ang doktor na si Willie Ong na tatakbong bise presidente.

Si Ong ay isang doktor na kilala sa social media.

Sinubukan ni Ong na tumakbong senador noong 2019 pero bigo itong manalo.

Inaasahan namang pormal na ilulunsad ni Domagoso ang kaniyang presidential candidacy sa Baseco ngayong araw ng Miyerkules.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *