Mass testing hindi solusyon sa pandemya —testing czar Dizon

Mass testing hindi solusyon sa pandemya —testing czar Dizon

IGINIIT ni testing czar Vince Dizon na walang isang health expert ang nagpapayo na kailangan ng mass testing upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ito ang bwelta ni Dizon sa gitna ng panawagan ng ilang pulitiko na kailangan ng mass testing sa bansa.

Aniya, isang kumplikadong test ang polymerase chain reaction (PCR) test dahil ang mga medtech na sumusuri sa mga sample ay natatamaan din ng COVID-19.

Kung magkakasakit ang mga medtech ng bawat laboratoryo, makakaapekto rin ito sa kanilang abilidad na sumuri ng mga specimen.

Ito ang dahilan kung bakit minararapat ng mga eksperto na magdagdag ng antigen test sa NCR Plus upang matulungan ang mga laboratoryo na tinamaan ng COVID-19 ang workforce nito.

Sinabi pa nito na dapat recommended ng isang doktor kung ang isang indibidwal ay may sintomas o pasok sa guidelines sa itinalaga ng mga eksperto para magpa-test.

Mass testing, hindi masyadong natutukan —mananaliksik

Hindi masyadong natutukan ang mass testing ayon kina Professor Guido David ng OCTA-Research at former Inter-Agency Task Force o IATF adviser Dr. Tony Leachon sa panayam ng SMNI News.

Kaugnay ito sa kung ano nga ba ang dahilan ng biglaang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.

Ayon kay Professor David, maliban pa sa hindi natututukan ang mass testing, kulang rin ang kapabilidad ng contact tracing sa bansa.

“Hindi lang ‘yung mass testing ang nagiging problema natin kasi ang efficiency ng contact tracing natin bumaba na. Ngayon mga 1 is to 3 nalang ang nako-contact trace nila eh. Ibig sabihin, kapag may isang nag-positive tatlo na lang ang nagko-contact trace. Kulang ng capability ‘yung contact tracing natin kasi karamihan ng contact tracing natin, manual,” ayon kay David.

Tatlong dahilan naman ang binigay ni Dr. Leachon kaugnay dito.

“Number 1, hindi natin nakontrol ang borders natin, nakapapasok ‘yung variance. Number 2, nagkaroon tayo ng premature opening of the economy by suggestions like open the cinemas at dumating ang bakuna. Nagkaroon ng vaccine populism. So, itong tatlong ito lead to this particular surge,” ani Leachon.

Kailangan din ani David ang makapag-vaccinate ng tatlo hanggang limang milyon sa NCR na syang COVID-19 hotspot sa buong bansa para matulungang mapigilan ang pagtaas ng kaso.

Sinabi rin ni Dr. Leachon na kung nais ng bansang mapalakas ang healthcare system, dapat matugunan muna ang kakulangan ng healthcare workers sa bansa, pagkakaroon ng sapat na budget para sa health response at dagdag na isolation facilities.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *