Marikina City Mayor Marcy Teodoro, hinarang ng DOH na mabakunahan ng Sinovac vaccine

Marikina City Mayor Marcy Teodoro, hinarang ng DOH na mabakunahan ng Sinovac vaccine

DISMAYADO si Marikina City Mayor Marcy Teodoro matapos hinarang ng Department of Health (DOH) ang kanya sanang pagpapabakuna ng Sinovac vaccine.

Ito ay sa pagsisimula ng vaccination program ng siyudad ngayong araw sa Marikina Sports Center.

Desidido sana si Mayor Teodoro na pangunahan ang pagpapabakuna ng Sinovac vaccine para makuha ang tiwala ng publiko sa vaccination program ng pamahalaan.

Ayon sa alkalde, bumagsak sa 130 ang bilang ng healthcare workers na kasama sa eligible list na willing na magpabakuna ng Sinovac.

Ang bilang ay mababa kumpara sa naunang 1,500 na health workers na kasama sana sa mga mababakunahan ngayong araw.

Paliwanag naman daw ng DOH kay Mayor Teodoro, hindi kasama ang mga mayor sa alokasyon ng mga dapat mabakunahan.

Dahil dito, umaasa si Teodoro na papayagan silang mga alkalde na magpabakuna para maging halimbawa sa lahat na magtiwala sa bakuna kontra COVID-19.

Matatandaan na sa Marikina unang nailagak ang mga bakuna ng Sinovac vaccine matapos itong dumating mula China.

Aniya, ngayong Martes ang simula ng kanilang pagbabakuna kung saan,  dalawang linggo ang itatagal ng vaccination program sa health workers.

Nauna nang sinabi ng Malacanang na unang batch pa lamang ito ng Sinovac vaccine na darating sa bansa.

Katunayan, may order nang P25 milyong doses ng Sinovac vaccine ang bansa sa Chinese vaccine maker.

Posible umanong nasa dalawang milyong dosis na bakuna ng Sinovac ang darating sa Pilipinas kada buwan.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *