Manila LGU, nanindigang walang naitalang Delta variant sa Lungsod

Manila LGU, nanindigang walang naitalang Delta variant sa Lungsod

ITINANGGI pa rin ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso na merong panibagong kaso ng COVID-19 Delta variant sa Lungsod ng Maynila.

Ito’y kasunod sa anunsiyo ng Department of Health (DOH) na walo sa mga may aktibong kaso ng COVID-19 Delta variant ay nasa Lungsod ng Maynila.

Giit ni Mayor Isko wala silang natatanggap na impormasyon  mula sa DOH na may panibagong kaso na naman ng Delta variant sa lungsod.

Dagdag pa ng alkade kahit  noong unang may naitalang kaso ng COVID-19 delta variant sa lungsod ay huli na sila naabisuhan na umabot sa  halos  tatlong linggo bago pa nila nalaman.

Ani Yorme mabuti na lamang nagnegatibo sa resulta ng COVID-19 test ang mga nakasalamuha na unang naiulat na nagpositibo sa COVID-19 Delta variant.

Pakiusap naman ni Yorme kung meron man naitalang bagong  kaso sana ipinaalam kaagad sa kanila ng maayos at tamang oras  upang mabigyan  ng agarang aksyon.

Nilinaw din ni Domagoso wala silang dapat na dalhin na sample  sa Genome Center lalo na na ang taong unang  naitalang may kaso ng Delta variant sa Lungsod ay mataas sa 20  ang cycle threshold  (CT) value nito.

Naniniwala din si Mayor Isko na nakatulong ang pagbabakuna sa lungsod ng Maynila dahil ilang araw na rin bumababa ang active cases ng COVID-19 sa lungsod.

Sa ngayong pumalo na sa 1,063,934 vaccine doses ang naiturok na sa mga taga lungsod ng Maynila.

Kahapon, Hulyo 20, nakapagtala ang Manila LGU ng panibagong all-time high vaccination record sa isang araw lamang na umabot sa higit 44,077.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *