Manila LGU ipinagbabawal na ang walk-in sa vaccination sites

Manila LGU ipinagbabawal na ang walk-in sa vaccination sites

SIMULA ngayong araw ng Lunes, hindi na pinahihintulutan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga walk-in sa kanilang vaccination sites.

Ayon sa Public Information Office ng lungsod, tanging ang mga nakatanggap lang ng text message kung saan nakasaad ang lugar at oras ng pagbabakuna ang dapat na pumunta sa mga site.

Ang Manila CoVax ang magti-text sa mga residente at ang mismong text ang dapat na ipakita, hindi papayagan ang screen shot lang.

Kung na-delete naman ang mensahe mula sa Manila CoVax, hihintayin na lang ang sunod na text nito.

Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng appointment system ang Manila.

Sa mga nakaraang buwan, walang schedule system ang lungsod kung kaya’t napakahaba ng pila at karamihan ay naabutan na ng cut-off.

Una nang nagsabi si Manila Mayor Isko Moreno na hindi ipapatupad ng lungsod ang naturang sistema dahil mahaba pa rin ang pila kahit may ganitong patakaran.

Ngunit ngayong dumarating na ang suplay ng mga bakuna, inaayos na ng Manila LGU ang kanilang sistema upang masiguro na hindi na maabutan ang mga residente ng cut-off sa pagbabakuna.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *