Malalimang imbestigasyon sa pagkamatay ng artist na si Bree Jonson, ipinag-utos

Malalimang imbestigasyon sa pagkamatay ng artist na si Bree Jonson, ipinag-utos

INATASAN na ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar si PBGen Emmanuel Peralta, Regional Director ng Police Regional Office 1, upang tingnan ang dahilan ng pagkamatay ni Bree Jonson, isang Filipino artist.

Ayon kay Eleazar, mismong ang pamilya ng biktima ang nakiusap sa mga otoridad na gawin ang lahat ng makakaya para tukuyin ang dahilan ng biglaang pagkamatay ni Bree.

Batay sa inisyal na ulat sa PNP, natagpuang walang buhay si Bree sa Floatsam Jetsom Resort sa San Juan, La union nitong Sabado, Setyembre 18.

Agad naman umano ito ni-report ng kanyang boyfriend o kinakasama na si Julian Ongpin  na suicide ang dahilan ng pagkamatay ni Bree.

Pero sa ilang pagsisiyasat, nakitaan ng ilang gramo ng cocaine ang kwartong inuupahan ng dalawa at nasa kostudiya na ito ng mga otoridad.

Mula dito, agad na sumailalim sa drug test si Ongpin at nagpositibo ito sa droga.

“Nasampahan na ng kaukulang kasong may kinalaman sa iligal na droga ang kasintahan ni Bree Jonson na si Julian Ongpin matapos itong mag-positibo sa drug test at makuhanan ng cocaine sa kanilang inuupahang kuwarto sa isang resort sa La Union,” pahayag ni Eleazar.

Sa ngayon, habang umuusad ang imbestigasyon, pansamantalang pinalaya si Ongpin ng La Union Provincial Prosecutor’s Office.

“Sa aking huling pakikipag-usap sa RD, PRO1 PBGEN Emmanuel Peralta, nagdesisyon ang Provincial Prosecutor’s Office na palayain si Ginoong Ongpin habang ini-imbestigahan ang kaso,” ani Eleazar.

“Hinihintay lamang ng PNP ang pagsasagawa at ang resulta ng autopsy sa mga labi ni Binibining Jonson upang malaman kung may karagdagang kaso na isasampa laban sa kanyang kasintahan,” dagdag nito.

Mula sa sinapit na kapalaran ni Bree, maraming nagpaabot ng pakikiramay mula sa kanyang nga kaibigan  sa pamamagitan ng pag-alala sa mga obra nito.

Umaasa ang mga kakilala, kaibigan, at kaanak ng biktima na agad malalaman kung ano ang tunay na pangyayari.

Ayon sa PNP, sa ilalim ng umiiral na batas at sa ilalim ng pamunuan nito sa PNP, tiniyak ni General Eleazar na mananagot ang sinumang gumawa ng krimen.

Paglilinaw pa ng PNP, wala silang sisinuhin mahirap man o mayaman sa ngalan ng patas na imbestigasyon.

“This is but another proof that your PNP applies the law without fear or favor. Mayaman man o mahirap, patas ang pagpapatupad natin ng batas dahil hindi lang dangal ng PNP ang nakataya dito kung hindi ang pagtitiwala ng sambayanang Pilipino on the basic but important concept of rule of law,” ayon kay Eleazar.

Nabatid na si Julian ay anak ng mayamang businessman na si Roberto Ongpin, na naging Minister of Trade and Industry sa bansa.

Tiniyak ng PNP na agad na makakuha ang panig ng kinakasama nito oras na matapos na ang imbestigasyon.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *